Maikling Kwento By Manny Ison Batch 1986

Sabado, Enero 31, 2009

ANG KALBARYO NG ISANG INA

( A Todos Los Santo story)

Isang ina si Meng. Iniwan siya ng kaniyang asawa sapul magkaanak sila. Mag-isa niyang itinaguyod ang anak.
Naglingkod siya kay Cynthia na kaniyang amo. Ang kaniyang serbisyo ay walang bayad maliban sa pagkain niya
rito ng tatlong beses isang araw. Sa ganoong sitwasyon ay kuntento na si Meng sa kaniyang buhay. Madalas siya
sa kusina. Nagbabantay siya ng bahay kung wala ang kaniyang amo. Wala rin siyang day-off maliban sa paglabas
labas ng kaunti sa kanilang bakuran paminsan-minsan kasama ang anak upang ipasyal.

Maraming gustong lumigaw kay Meng ngunit pinipigilan ito ni Cynthia. Ayaw niya muling maulit ang kalbaryo nito.
Maganda si Meng maputi at bata pa. Napansin siya ni Rodolfo na kaniyang kapit-bahay. Naging malapit siya
rito ng magkatagpo sila ng tingin. Kinakarga ni Rodolfo ang anak nito. Tuwang-tuwa siya rito. Maganda kasi ito katulad
ng kaniyang inang si Meng.

Laging tinatawag ni Rodolfo si Meng kapag nakikitang lumalabas ng bahay. Pinapansin naman siya ng huli. Isang
araw ay humahangos si Lando kina Cynthia upang ibalita na nadisgrasya ang mag-ina sa labasan. Narinig ito ni
Rodolfo at dali-daling humangos sa lugar ng kaganapan ng sakuna.

Nanibugho siya sa nakita. Nakabulagta na si Meng, naliligo sa sariling dugo ang kawawang ina. wala na itong buhay.
Kaagad na hinanap ni Rodolfo ang anak nito. Dumami ang tao sa paligid. Pinanonood ang kawawang mag-ina. Nakita
ni Rodolfo ang anak ni Meng sa ilalim ng jeep na nakabangga. Naghihingalo itong tumingin sa kaniya. Bago ito nalagutan
ng hininga ay nakapagsalita pa ito kay Rodolfo.

Ang kaniyang nasambit ay meoww!!..at umuwi na si Rodolfo ng may panghihinayang. Dumating ang mga alagad ni
Fernando upang linisin ito.


ARAL: Suriing mabuti ang kwento bago manibugho.
posted by RCGoCreations at 10:30 AM 0 comments

Biyernes, Enero 30, 2009

ANG MUSIKA SA SEMENTERYO

( A Todos Los Santo special)


Sa isang sementeryo sa Estados Unidos ay takot na takot na nag-ulat sa istasyon ng pulis patungkol sa
musikang naririnig tuwing sasapit ang tahimik na gabi. Ang nasabing musika ay nanggaling sa ilalim ng
lupa na maaaring isa sa mga nakalibing roon. Una ng napaulat ito ni Kurt Norman na nakatira malapit
sa nasabing sementeryo. Base sa kaniyang salaysay ang musika ay nanggaling sa isang istasyon ng radyo.

Nagsadya ang isang empleyado ng istasyon ng radyo kasama ang ilang imbestigador sa lugar na iyon.
At kinagabihan ay narinig nila ang mahinang musika sa ilalim ng lupa. Tuloy-tuloy ang musika sa bawat-araw
di nga lang marinig sa umaga dahil sa ingay ng mga sasakyan.

Habang nag-iimbestiga si Lt. Sanders sa nasabing musika ay napansin niya isang araw ng mag-aalas tres
ng hapon ang isang lalaking may binubuksan sa lapida ng isang libingan sinita niya ito. Ang nasabing
lalaki ay kapatid ng taong nakalibing. Sinabi niyang ang kaniyang kapatid ay mahilig sa musika. Huling kahilingan nito
na kung siya ay mamatay ay bigyan siya ng musika sa kaniyang labi. May radyo sa nitso nito na kasabay inilibing.
Ang linya ng baterya ay nakalabas sa lapida sa ibabaw ng lupa at lingguhan niya kung palitan ang baterya nito.
Nakalabas din ang pihitan ng “volume” upang mapalakas o mapahina, may tabing ang nasabing aparato upang di mabasa
ng ulan na nakatago sa likod ng lapidang de bukas. Isinangguni nila ang kaso sa lokal na pamahalaan
at sa pamunnuan ng sementeryo. Sumang-ayon naman na panatilihin ang radyo sa ilalim ng lupa sapagkat malaking
abala ang pag-alis nito napagsangayunan na hinaan na lamang ito.

Ang nasabing DJ ng radyo na nag imbestiga ay laging may katagang “we are on the air even six feet from the ground”
posted by RCGoCreations at 10:29 AM 0 comments

Huwebes, Enero 29, 2009

ANG HULING HANTUNGAN NI JUSTO

( A Todos Losantos special)




“inay di ba natin ipalilibing si itay?” tanong ni Leny sa ina

“anak, cremation ang tatay mo ayaw mo nun at kasama natin sa bahay parang kasama na rin natin siya”

“e kasi sabi ng classmate ko di raw matatahimik pag di nakalibing sa sementeryo”

“anak wag kang maniwala roon hayaan mo kapag may pera na tayo dadalin natin siya sa “columbary”

“ano po yun nay?”

“iyon ang libingan ng mga pinasinunog na patay”

“dun na po ba siya, maganda ba roon, ang akin naman basta malibing lang siya ng maayos yung may
nakaukit na pangalan ayos na sa akin”

Isang araw na wala ang mag-ina. naiwan sa bahay si Gloria na kanilang katulong. Habang naglilinis ito ng
bahay ay natabig nito ang marmol na kinalalagakan ng abo ni Justo na ama ng batang si Leny

“ka blag!!!” krakkk wooooshhhh!!!!!

“naku nabasag ang ashtray sus! kadaming abong kumalat” wika ni Gloria

Dali-daling kumuha ito ng walis tambo at nilinis ang abo. Itinapon niya ito sa inidoro at sabay “flush”.
Lumipas ang isang buwan, wala na si Gloria sa bahay na yaon. Pinauwi na kasi ito ni Lilia na ina ni Leny.
Dahil na rin sa kapabayaan sa bahay.

Dumating ang todos losantos, kasama ni Leny ang ina na nakaupo sa poso negro. Tinanong ito ng anak.

“inay, bakit dito po tayo nagtitirik ng kandila, di po ba maraming tae sa loob nito”

“anak , dito na nakalibing ang tatay mo mula ngayon”

“bakit po dito nay!” hu hu hu

“di ba anak gustong-gusto ng tatay mong mag CR noon kaya dito ko na siya dinala”

“lalagyan ko po ng name ang kuwadradong takip nay para matuwa siya”

Niyakap ng ina ang anak at sabay silang nagdasal.



ARAL: Huwag kumuha ng katulong na di marunong sa lahat ng bagay
Huwag laging mag CR mga katoto... he he Happy Vacation
posted by RCGoCreations at 10:29 AM 0 comments

Miyerkules, Enero 28, 2009

ANG MISTERYOSONG LALAKI

(a Todos Losantos special)

Isang misteryosong lalaki ang lumapit sa burol ng isang lalaking namatay sa atake sa puso.
Nilapitan ito ng isa pang lalaki na matalik na kaibigan ng namatay. Isa siyang kristiyano samantalang
ang misteryoso ay di niya batid ang relihiyon.

“ Magandang gabi po, kamag-anak po ba kayo ng namatayan?” wika ng Kristiyano

“a... hindi nais ko lang dumalaw, nakikita ko ang namatay nung buhay pa diyan sa kanto”

“ganon po ba, napakabait po niyang kaibigan ko, nga lang e hindi naging relihiyosong tulad ko”

“bakit amang may kinalaman ba ang pagiging relihiyoso sa pagkamatay ng tao?” wika ng misteryosong lalaki

“malaki po, baka po siya di tanggapin sa langit kung siya ay nakagawa ng di mabuti sa kapwa”

“hindi basehan iyang mga relihiyon amang, iba-iba kasi, alam mo bang ang mga taong budismo, muslim o ano
pa man ay binibigyang gantimpala rin ng kani-kanilang Diyos kung may langit man”

“ano po ang ibig niyong sabihin?”

“di lang Diyos na kilala mo ang namumuno, isipin mo na lamang paano ang isang intsik na mabait at
walang kasalanan pero sa Budha siya sumasamba, mapupunta ba siya sa impiyerno?”

“opo kasi di niya kilala ang Diyos”

“mali iho, ang sinumang mabuti ay binibigyan ng karapatan ng manlilikha na mapasalangit kung anu man ang
relihiyon niya base sa kinagisnan nito”

“di ko po alam iyan”

“kulang ka kasi sa pagsasaliksik, marami ka pang aalamin iho, tulad ng mga relihiyon, may sumasamba sa santo,
may iba’t-ibang propeta, may iba’t-ibang bibliya, may iba’t ibang sistema, kaya ang relihiyon ay wala rin kaya
kung ako sa iyo wag ka nang sumanib sa anumang relihiyong nakakalito malilito ka lang, di mo alam kung ano ang tama”

“basta kung ano po ang nakagisnan ko ganon po ako, di ko na babaguhin, teka kayo po ba e anong relihiyon?”

“ako ay isang Atheista, tulad ng isang sikat na mang-aawit na pinatay"

“ganon po pala kaya wala kayong Diyos, di bale kapag nagkita kami sa langit ng kaibigan ko e kukumustahin ko siya”

“e paano kung wala ang kaibigan mo roon” pahabol ng misteryosong Atheista

“e di kayo na po ang kumausap sa kaniya”


END

(awooooh!!!!!!!!)

ARAL: Maging handa sa lahat ng bagay
posted by RCGoCreations at 10:28 AM 0 comments

Martes, Enero 27, 2009

SI TATA ERNING

Laki sa hirap si Gusting. Pagkakarpintero lamang ang alam niyang trabaho. Ito rin ang trabaho ng kaniyang
namatay na ama sa isang gumuhong konstruksiyon kung saan nagtratrabaho ito. Namatay na rin ang kaniyang
ina noong siya’y ipinapanganak pa lamang. Wala siyang kapatid at ulilang lubos na siya ngayon. Maswerte siya
at napangasawa niya si Melba na isang mananahi sa isang pabrika ng tela. Mapagmahal na asawa ito at biniyayaan
sila ng dalawang anak na lalaki.

‘Melba, lumalaki na ang mga anak natin, kulang na kulang ang kinikita ko sa pagkakarpintero kaya kailangang
magbakasakali ako sa abroad”

“wag na Gusting kung gusto mo magtrabaho na lang ulit ako para makatulong”

“yan ang di pwede kailangang matutukon mo ang mga anak natin gabayan mo sila”

“e ano ang gagawin mo?”

“me pinakokontrata sa akin sa kabilang barrio, gigibain ang bahay na luma kasi nabili na ng isang intsik”

“saan iyon kina Tata Erning, sa may malapit sa poso”

“oo bakit alam mo?”

“ay naku Gusting, isang magaling na sastre iyang si Tata Erning, yumaman iyan sa pananahi at napag-aral ang mga
anak sa kolehiyo”

“e bakit binenta nasan na sila ngayon?”

“ang balita ko e, nasa abroad na lahat ng anak iyong panganay na si Tessa at Lucy sa tate na nakatira”

“e si Mang Erning nasaan na kasama ba nila?”

“iyon ang masama, ayaw sumama sa mga anak naiwan sa bahay hanggang magretiro sa pananahi, balita ko
sumama ang loob kasi sa lima niyang anak e nangarap iyon na may magpatuloy ng kaniyang propesyon”

“e ano na ba ang mga anak niya ngayon?”

“may doktor, nurse, inhinyero at seaman”

“ e dapat matuwa siya magaganda ang propesyon ng kaniyang mga anak”

“di nga e, gusto niya mapagpatuloy ang shop niya kasi 1918 pa iyon, sa mga ninuno pa niya iyon”

“tsk tsk sayang ano, mayaman pero namatay sa sama ng loob”

“atake sa puso ang ikinamatay, katandaan na rin mga 80 na kasi si si Tata Erning, binigyan nga niya ng puhunan
ang katulong niya sa bahay bago siya mamatay”


Dumating ang araw ng trabaho. Nakontrata ni Gusting ang paggiba ng bahay. Nakita niya ang isang boteng babasagin
na may magandang korte. Iniuwi niya ito sa kanila.


“ano yang dala mo Gusting?”

“nakuha ko sa bahay ni Tata Erning, maganda ang bote parang lumang panahon, gagawin kong display dito sa bahay”

“tingnan nga”(sinilip ang loob ng pulang bote)

“aba! Gusting may lamang papel sa loob”

“kunin mo ano ba yan”

Kinuha ang papel na may sulat at binasa. Ito ang nakasaad sa papel:

“sa sinumang makakakuha ng boteng ito at makabasa ng aking sulat. Nais kong maging isang sastre ang makapulot
nito. Ipagpatuloy ang aking sinimulan. Lagi akong gagabay sa negosyong ito at maaaring gamitin ang pangalang
Erning’s Tailoring (since 1918).

‘maganda ang kaniyang hangarin ,tamang tama at isa kang sastre Melba kaso saan tayo kukuha ngmalaking halaga para
sa puhunan”


“teka Gusting may nakasulat pa sa likod nitong papel”

Muli itong binasa ito ni Melba:

“Sa ilalim ng punong mangga malapit sa bahay na ito ay maghukay kayo ng apat na piye ang lalim, makikita rito
ang ibinaon kong gintong aking iningatan. Ibenta niyo ito at gawing puhunan sa negosyo”


Pinauwi ni Gusting ang kaniyang bantay sa bahay na giniba. Hatinggabi ay hinukay nila ito ni Melba. Tumambad
sa kanila ang maraming ginto na sana’y sa mga anak ni Tata Erning napunta, ngunit minarapat na lang na ibigay sa iba.

Ginamit ng mag-asawa ang pinagbilhan ng ginto at may tatlong sangay na sa buong kalakhang lugar nila ang Erning’s Tailoring.
posted by RCGoCreations at 10:27 AM 0 comments

Lunes, Enero 26, 2009

ANG MGA INAKAY

Matapang sa kalaban ngunit pagdating sa mga hayop ay maamo si Maximus, isang lider ng mandirigmang Romano
noong kalagitnaan ng panahon. may mga alaga siyang aso, ibon at pusa at maging isang leon na naging maamo rin
sa kaniyang taglay napambihirang katangian. mapagmahal ring asawa si Maximus, sa katunayan ay di niya pinababa-
yaan ang kaniyang asawa at isang anak na si Darius.

Isang araw, dumating ang mensahero ng hukbong Taro upang ipagbigay alam ang kanilang hangaring sakupin ang
kaharian nila Maximus. Sa basbas ni Haring Artem ay binigyan ng pahintulot si Maximus upang labanan ang kaaway.
Hindi handa ang pangkat ni Maximus, kulang sila ng tao. Hindi sapat ang isang libong mandirigma laban sa tatlong libo
ng mga kalaban. Di siya nakapagpatawag ng dagdag pwersa sa kalapit na kaharian. Biglaan ang gagawing labanan.
Kinabukasana ang gusto ng mga Taro.

Inihanda ni Maximus ang hukbo at bago lumaban ay nagdasal ito ng taimtim.

“aming manlilikha, gabayan niyo po kami sa aming labang ito!”

Dumating na ang oras at nagsipanagupa na ang isa’t-isa. Lubhang napakaraming pwersa ng mga Taro sa pamumuno
ni Kaled. Nalagasan ang hukbo ng mga Romano. nagdesisyong umatras sina Maximus upang di maubos ang kaniyang
mga tauhan. Sa kanilang pag-atras ay daraan sila sa pagitan ng isang lambak na may 20 piye ang luwang. Napansin niya
na may inakay at pugad sa gitna nito.

“hinto mga kasama!” sigaw ni Maximus

“kamahalan! aabutan tayo ng mga kalaban!” wika ng isang tauhan

“babalik tayo, ayokong mamatay ang mga inakay sa ating daraanan”

“ngunit iyan ay ibon lamang kamahalan”

“oo, ibon nga ngunit siya ay may buhay at walang kalaban-laban, balik mga kasama!” sigaw ni Maximus

Walang nagawa ang mga tauhan kundi bumalik sa paparating ng mga Taro. Nagulat ang mga Taro sa ginawang ito
ng mga Romano. Huminto sila at nagtaka, naiisip nila na na isang istratehiya ang ginawa nila Maximus. Umatras ang mga Taro
at sinamantala iyon ng mga Romano.

Nagapi nila Maximus ang mga kalaban at nagbunyi sa labanang iyon.
posted by RCGoCreations at 10:27 AM 0 comments

Linggo, Enero 25, 2009

ANG PAALA-ALA

Mag-aalas diyes na ng gabi, marahang ipinarada ni Charo ang kaniyang saksakyan sa harap ng kanilang bahay.
Nag overtime siya sa kaniyang trabaho kung kaya’t dis-oras na ng gabi siya nakauwi. May kung anong naramdaman
siya sa kaniyang sarili. Panandalian siyang nagmasid sa kaniyang bakuran. Di pangkaraniwan ang mga oras na iyon.
Kinabahan siya ng kaunti. madilim ang kabahayan. Tila walang tao sa loob na dati rati’y sinasalubong siya ng kaniyang
asawang si Rolly. Luminga siya sa kanilang mga kapit-bahay ngunit maging ang mga ito ay wala na ring ilaw. Marahil
sila’y mga tulog na. May ilaw ang poste ng Meralco na nangangahulugan na may daloy ng kuryente ang mga kaba-
hayan. Walang nagbukas ng kanilang “gate” kung kaya’t pinatay niya ang makina ng kaniyang kotse at pumasok sa pinto.
Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto
ng bahay. Bukas ito at di nakapinid. Kabado ang dibdib at ginalugad n ng kaniyang palad ang “switch” ng ilaw sa sala at ng ito’y magsindi ay bumungad sa kaniyang harapan ang:

‘MALIGAYANG KAARAWAN MOMMY!!!”

Ito ang “surprise greetings ng kaniyang mag-aama sampu ng kanilang kapit-bahay. Kaarawan pala ni Charo ng mga
oras na iyon. Nabigla siya at may luha sa kaniyang mga mata. Sinalubong siya ng kaniyang dalawang anak
at asawang si Rolly at hinalikan ng biglang:

KRIIIIIINGGGGG!!!!!!

Nagising si Charo sa kaniyang pagkakatulog. Isang panaginip lamang pala ang naganap, Tumingin siya sa kalendaryo.
Petsa Octubre 26 na at siya ay napabuntunghininga.

“grabe mag bi-birthday na pala ako sa a bente siyete e wala akong kamalay-malay, ang dami kasi ng trabaho, aral
asikaso ng mga bata atbp, di bale salamat sa aking panaginip at mapapaghandaan ko na ito” bulong ni Charo.
posted by RCGoCreations at 10:26 AM 0 comments

Sabado, Enero 24, 2009

"ANG ULAM NA BEEFSTEAK"

Isang mayamang negosyante si Doña Agueda, ngunit sa pagiging mayaman nito
ay ubod ng mata-pobre at masungit. Ang kaniyang tirahan ay mansion. Nasa pangalawang
palapag ng bahay nito ang kaniyang kusina at hapag-kainan. Buhat sa bintana ng hapag-kainan
ay matatanaw ang munting tirahan ni Aling Sioning. Isang trabahador ni Doña Agueda sa kaniyang
taniman ng tubo. Kasalukuyang kumakain noon si Dona Agueda ngunit wala itong gana sa
pagkain ng mga oras na iyon. Nakita niyang kumakain din si Aling Sioning buhat sa bintanang iyon.
Naulinigan niya ang sinasabi nito.

“ang sarap ng ulam ni Doña Agueda, beef steak ang bango lumalabas ang amoy ng ulam niya
buhat sa bintana ng kaniyang kusina” wika ni Aling Sioning

“aba! ang walanghiya! at inaagaw pala ang gana ko sa pagkain” galit na wika ng Doña

“kain na mga anak bagama’t ang ulam natin ay tuyo at kamatis lamang ay lasahan natin
ang bango ng ulam ni Doña Agueda” wika ni Aling Sioning habang kumakain kasama ang dalawang anak nito.

“aba! at maganang magana pa silang kumain, makikita nila idedemanda ko sila, may pagkamangkukulam
yata ang pamilyang ito” wika ni ni Doña Agueda habang abala sa paninilip sa bintana.

Pinatawag ng Doña ang pobreng si Aling Sioning, inakusahan siya nito ng pang-aagaw ng gana ng pagkain
at tinuringang may karungungang itim kung kaya naisagawa niya ito.

Walang nagawa si Aling Sioning, humingi ito ng tulong sa kaniyang mga kaibigan ngunit lubhang may
kapangyarihan ang Doña , hanggang nakarating ito sa piskal ng munisipyo.

Tuwang-tuwa ang Doña sa nangyari at iminungkahi nito na magbayad ng danyos perwisyo ang pobre
at iuurong na niya ang demanda.

“bayaran mo ako ng limang libong piso sa pang-aagaw mo sa akin ng gana sa pagkain!” wika ng Doña

“Doña maawa po kayo kapos po kami, may naipon po ako sa alkansiyang bumbong ngunit
para po sa aking anak iyon at hindi po aabot iyong limang libo” pagsusumamo ng matanda

“di ko papayagan na ganun ganun lang sige tatlong libo tapos ang usapan!” wika pa ng Doña

Suman-ayon ang piskal sa usapan. Lungkot na lungkot ang pobreng matanda. Lulugo-lugo itong bumalik sa
bahay at biniyak ang alkansiyang bumbong sa harap ng kaniyang mga anak na malulungkot. Umabot
ng tatlong libo at sampu ang baryang laman nito. Ibinili ng anak nito ang sobrang sampu ng tinapay
upang may makain sa gabing iyon.

Kinaumagahan, nagharap-harap muli sila sa harap ng piskal.

“dala mo na ba ang tatlong libo!” wika ng Doña

“opo, ito po sa dala kong laba-kara nakalagay, sakto po ito” wika ng pobreng si Aling Sioning

“kailangang makasiguro ako bilangin mo sa harap ko” wika pa ng Doña

“sige na Sioning bilangin mo sa harap ni Doña Agueda ang mga barya upang malaman natin kung
tatlong libo ang halaga ng dala mo” wika ng piskal

Ngiting-aso ang Doña habang binibilang ang pera. naglalaway ito sa salapi habang nakamasid naman ang
piskal ng munisipyo.

Saktong tatlong libo ang pera at nagdesisyon na ang piskal.

“sa aking pag-aaral sa usapan ay inagawan di umano ni Aling Sioning ng gana sa pagkain si Doña Agueda at pinagbabayad
ng huli ang nauna bilang danyos perwisyo Inihanda ni Aling Sioning ang pera at binilang sa harap ni Doña Agueda.
Sa pagbbibilang na iyon ay sapat ng nakuha na rin ng Doña ang tatlong libong piso gaya ng pagkuha ni Sioning sa gana
nito sa pamamagitan ng isip lamang. Ang desisyon ng korteng ito ay patas o amanos lamang ang magkabilang panig”

“ligpitin muna ang pera mo Aling Sioning at makakauwi ka na, tapos na ang kaso” pagtatapos ng piskal

“di pwede iyan papalitan kita sa munisipyo” sigaw ni Agueda

“pwede niyo pong iapela sa mataas na kapulungan ang kaso Dona Agueda” wika ng piskal

Tumalikod na lang ang Doña at umuwi, tinanggap nito ang pagkatalo. Umalis na sina Aling Sioning sa lugar na iyon
at ang tatlong libo ay kanilang pinalago sa pagtitinda ng ulam. Mabiling-mabili ang kaniyang lutong”beef steak”.

"GINUTOM BA KAYO LUNOK"
posted by RCGoCreations at 10:25 AM 0 comments

Biyernes, Enero 23, 2009

ANG TATLONG SALAMANGKERO

Nagkita-kita mula sa iba’t ibang lugar ang tatlong salamangkero upang magpaligsahan ng kakaibang kaalaman
sa larangan ng salamangka. Si Junar ay mula sa tribu ng Chem, si Dwen ay mula sa Khan at si Dilan ay mula
sa angkan ng mga katutubong Tausug. Lahat sila ay may kani-kaniyang pambihirang kaalaman. Napagpasyahan
nila na sa isang gubat magpakitaan ng galing. Wala silang isinamang mga tao upang masarili nila ang tunggalian.

“alam niyo ba mga katoto na tattlong beses na akong muntik mamatay at eto buhay pa si Master Junar” wika nito

“ako rin makaanim na akong muntikang mamatay pero nakatayo pa rin si Propesor Dwen he he he” wika rin nito

“mahina kayo ako ang tawag sa akin ay pusa dahil makawalo na akong muntik mamatay eto at kasama niyo pa rin
si Ka Dilan ha ha ha!” wika rin nito.

Napansin nila ang isang kalansay na lagas-lagas sa kagubatan at ito ang kanilang napagpasyahang gamitin
sa tunggalian.

“kaya kong buuin ang mga kalansay na yan kung ano mang hayop yan!” abracadabra!” whooosh!” sigaw ni Junar

Presto! ang kalansay ay nabuo ng nakatayo, malaki ito na may 3 piye ang likuran mula sa lupa. May apat na paa
at buntot sa likuran.

“wala ring silbi yan kung buto lamang ako lalagyan ko yan ng laman ng ganito! mahika!!! booom!” sigaw ni Dwen

Presto ang kalansay ay nagkalaman, isang leon ang tumambad sa kanilang harapan, malaki at maganda ang mga
balahibo. nakatayo itong parang tuod.

“mahihina pala kayo e, ano ang silbi niyan kung walang buhay, ako ang magbibigay buhay sa hayop na yan!
bathala! ka woooshhh!” sigaw ni Dilan

Nagkabuhay ang Leon, umatungal ng napakalakas, tila naghahanap ng masisila sa kaniyang kagutuman mula sa
matagal na pagkakahimlay. Nakita niya ang tatlong salamangkero at ito ay kaniyang pinangal. Natapos na ang buhay ni
Junar pati na si Dwen at ang ikasiyam na buhay ni Pusang Dilan ay natapos na rin sa loob ng sikmura ng pusang Leon.
posted by RCGoCreations at 10:25 AM 0 comments

Huwebes, Enero 22, 2009

ANG MAG-INA

Samar 1944. Kasalukuyang lumulusob ang mga hapones sa islang ito sa Pilipinas. Marami na ang napapatay
sa mga Pilipino. May mga Koreano ring kasama ang mga tropang ito na walang awang kumikitil sa mga
walang labang Pilipino. Batid ng tropa ng hapones na ang mga Amerikano ay paparating na kung kaya’t walang habas
silang pumatay ng mga inosente.

Tatlong mag-iina ang tumatakas patungo sa bundok ng malamang ang pwersa ng mga Hapones ay nasa di
kalayuan lamang. Ang bawat isa sa kanila ay may tangan na sanggol na nasa tig-anim na buwang gulang.
Ang kanilang mga asawa ay di nila kasama sa kadahilanang sumama ito sa “gerilla”. Nagkahiwa-hiwalay
ang mag-iina sa kagubatan. Pinatatahimik nila ang kanilang mga anak. Dahil sa iyak ng sanggol ay nakita ng
isang Koreano ang mga ito at pinatay. Ganun din ang isa pang mag-ina na nagtatago sa halamanan. Tanging
si Remedios lamang na nagdadasal ang di pa nakikita ng mga hapon.

“anak wag kang iiyak mahal kita, hawak ka ni nanay mo” bulong nito na may luhang bumabalong sa kaniyang
namumugtong mga mata.

Kumampi ang langit kay Remedios, ngumiti ang sanggol sa kaniya kapagdaka’y umidlip ng matahimik. Nakalagpas
ang pwersa ng mga hapon ng di sila nasaling man lamang. Nagpamagdamag sila sa kanilang pinagtataguang
bato sa gilid ng ilog. Nangangatal na ang katawan ni Remedios sa pagkakababad sa tubig sa gilid ng ilog.
Umahon siya mag-uumaga. Nakita siya ng mga “gerilla” at iniligtas. Nagkita sila ng kaniyang asawa sa kampo
at lubos ang kaniyang pasasalamat sa asawa. Nagdasal sila ng taimtim.

Ang anak ni Remedios na si Roman ay lumaking matalino nakapag-aral. Isa na siyang Pastor sa isang samahan
sa kanilang lugar at ibinabahagi ang kaniyang mga naranasan sa kaniyang murang buhay.
posted by RCGoCreations at 10:24 AM 0 comments

Miyerkules, Enero 21, 2009

ANG PANANAKOT NG EMPERADOR

Noong ikalawang digmaang pandaigdig sa bansang Hapon, ipinahayag ng Emperador na ang mga Amerikano ay sasakupin na ang
kanilang bansa. Sa Pamamagitan ng isang istratehiyang pananakot ay nagawa ng nasabing Emperador na takutin ang kaniyang mamayan
sa pamamagitan ng pahayag na ang mga Amerikano ay mga brutal na pumapatay. Walang sinasanto kahit bata at matanda. Dapat daw na
magpakamatay na ang bawat isa wag lang mahuli ng mga kano.

Si Kaziyuki ay isang simpleng magsasaka. Kasama niya ang kaniyang ama anak at asawa na nagtago sa isang kweba. Takot na takot
sila sa mga dumarating na Amerikano. Ang ilang mga mamamayan ay inihagis na lamang ang kanilang mga sanggol sa bangin. Ang iba naman
ay nagsaksak sa sarili at ang ilan ay tumalon sa mga matatarik na bahagi ng bundok.

Narinig ni Kaziyuki ang mga tinig ng mga Kano na paparating. Kinuha niya ang kaniyang tabak at pinatay niya ang kaniyang ina at ama. Umiiyak
siya ng gawin niya ito at iniumang naman niya ito sa kaniyang asawa ng sunggaban siya ng Amerikanong sundalo at pigilan. Batid ng mga Kano
ang istratehiyang iyon ng Emperador. Dilat ang mata sa takot ni Kaziyuki ng lagyan siya ng balabal ng mga Kano at painumin ng tubig. Nakita
niyang sinasagip pa ng mga Kano ang buhay ng kaniyang mga magulang ngunit huli na. Dinala ng mga Kano ang mga hapo sa isang magandang
lugar at pinakain. Umiiyak noon si Kaziyuki, ang kaniyang pagiging masunurin sa nakatataas ang nag-udyok sa kaniyang patayin ang kaniyang
mga magulang.

Dinala ng mga Amerikano ang pamilya ni Kaziyuki at sa ngayon ay payapang nakatira na sa Estados Unidos sa tulong ng mga Amerikano
at nagtrabaho siya noon bilang isang “messenger” sa isang kumpanya. Ang kaniyang anak na si Tomita ay isa nang matagumpay na
negosyante.
posted by RCGoCreations at 10:23 AM 0 comments

Martes, Enero 20, 2009

ANG MAHIWAGANG TANONG

Sa buhay ngayong henerasyon ay dumarami ang mga taong di pagkakatiwalaan. Dumarami ang mapagsamantala at sinungaling. Isa si Pitong na matatawag na tuso sa mga taong ganito. Kaya niyang salain ang nga ugali at kilos ng mga ito kung kaya't kailanman ay di siya naloloko o nalalamangan.

Isang araw ay patungo si Pitong sa raon upang bumili ng piyesa ng radyo. Isang pwesto ang kaniyang hinahanap na di niya matagpuan. Sa kaniyang paglilibot ay napansin niya ang dalawang pintong nakapinid. May hinala siya na isa sa pintong iyon ang papasok patungo sa bilihin ng piyesang kanyang pakay. May dalawang lalaking nakabantay roon sa lugar. Magkalayo ang mga ito. Ang isang pinto ay pula at ang isa naman ay berde. Alam niyang may sinungaling at hindi sa dalawang lalaki ngunit di niya tukoy pa kung sino sa mga ito. Tinanong niya ang unang bantay.

"pre, kung tatanungin ko yung kasama mo sa di kalayuan kung saan iyong bilihan ng magandang piyesa, saang pinto ang ituturo niya?" tanong ni Pitong

"sa berde pare" sagot nito

Ganun din ang tanong niya sa isang bantay.

"pre, kung tatanungin ko yung kasama mo sa di kalayuan kung saan iyong bilihan ng magandang piyesa, saang pinto ang ituturo niya?" tanong muli ni Pitong

"sa berde pare dun iyon"

Nagdesisyon si Pitong sa pulang pinto siya pumasok at nakabili siya ng piyesa.

Ang pagpapaliwanag kung bakit sa pulang pinto siya pumasok. abangan!!!


KASAGUTAN:

Kung ating bubulay-bulayin ang sitwasyon kung bakit mas pinili ni Pitong ang pintong pula na di man
itinuro ng dalawang bantay ay ganito:

Tama! ang tamang pinto ay ang pula. Paano nakuha ni Pitong ang desisyon?

Ang tanong mo sa isang tao na patungkol sa itatanong mo ulit sa isa pang tao ay nakakaapekto sa
kanilang pag-uugali. Mag-iisip ang taong iyong tinanong sa pag-uugali ng isa pang taong gusto mong
malaman ang desisyon nito.

Isipin natin na si bantay A (bilang unang bantay na napagtanungan) ay isang tapat at di sinungaling
samantalang ang bantay B (bilang pangalawang bantay) ay isang sinungaling.

Alam ni bantay A na kung tatanungin ni Pitong si bantay B ay ililigaw siya ng landas. Ituturo ni bantay B ang berdeng
pinto at di siya makakapasok sa kaniyang tamang patutunguan.

Sa kabilang banda, kung tatanungin naman ni Pitong si bantay B na isang sinungaling , alam nito na tapat si bantay A
at ituturo nito ang pulang pinto kaya’t ililigaw siya nito iibahin niya ang desisyon ni bantay A at sa halip na pula ay sa
berde niya ito ituturo.

Kung ating susuriin ang pulang pinto ang di napag-kaisahan kaya’t malayang desisyon ni Pitong na doon pumasok
at nagtagumpay sa kaniyang pakay.

ARAL: MAKAPITONG ISIPIN ANG LAHAT NG GAGAWIN O DESISYON.
posted by RCGoCreations at 10:22 AM 0 comments

Lunes, Enero 19, 2009

ANG ANAK

Magtatapos na si Jeffrey sa isang Unibersidad. Pangako ng kaniyang ama na siya ay bibigyan ng isang magarang awto bago umakyat ng entablado. Marangya ang buhay ng kaniyang pamilya. Marami silang ari-arian sa pagsisikap ng kaniyang amang negosyante. Isang araw bago ang pagtatapos ay nagtungo si Jeffrey sa silid ng kaniyang ama. Wala na ng mga panahong iyon ang kaniyang ina na namatay sa sakit sa puso tatlong taon na ang nakararaan.

"tay, my gift, i'm so excited"

"anak hawakan mo ito" sagot ng ama hawak ang balot na isang aklat"

"dad! what's this, im not a priest, this is what i get ! a bible, you promise a car isn't it! why, damn!" sabay talikod ng anak na di na pinagsalita ang ama.

Lumipas ang mga taon, di na nagpakita si Jeffrey sa ama, nakikibalita na lang ito sa mga kamag-anak at katulong. Tumira siya sa malayong lugar. Lubhang may galit sa kaniyang puso sa nangyari. Saktong anim na taon ang lumipas, pinatawag si Jeffrey ng kanilang abogado. namatay na kasi ang kaniyang ama at ang lahat ng ari-arian ay sa kaniya ipinamana bilang nag-iisang anak ng yumao. May asawa at anak na noon si Jeffrey. Sandaling iniwan niya ito at binisita ang kanilang dating tahanan. Isa na siyang maunlad na negosyante na rin ngayon na tulad ng kaniyang ama.

Pumasok siya sa silid ng ama, nakita niya rito ang biblia na nooy ibinato niya. Nakalagay ito sa isang magarang istanteng salamin na halatang inalagaan ng yumaong ama. Kinuha niya ito at binuksan ng mula rito ay nahulog ang isang susi ng isang awto na nakaipit sa bandang likuran. Pinulot niya ito at nakita ang markang Jeffrey na nakaukit sa susian. Binuksan niya ang likurang pabalat ng aklat at nakalagay pa rito ang saktong petsa ng kanilang huling pagkikita noon anim na taon na ang nakalipas. Dito ay kaniyang nabasa ang mga katagang:

"para sa aking pinakamamahal na anak, kalakip ng susing ito ng aking handog sa iyo na isang awto at ang Salita ng Buhay na makatutulong sa iyo habang buhay"

"Maligayang pagtatapos anak"

Nagmamahal,
ang iyong Daddy Freddy
posted by RCGoCreations at 10:20 AM 0 comments

Linggo, Enero 18, 2009

ANG BASEHAN NI LAIDA

Marikit at maganda si Laida, bukod tangi siya sa kanilang baryo kung
ikukumpara sa mga kadalagahan roon. May mga masugid na manliligaw
ang binibini, ito ay sina Ramon isang propesor, Ronaldo - isang inhinyero,
Roberto-isang negosyante at Jun isanghamak na alagad ng sining.

Lahat ng mga ito ay may katangiang gusto ni Laida. Lahat ay pawang mga gwapo
at matitipuno at may magandang pag-uugali kung kaya’t nahihirapan siya kung sin
ang kaniyang pipiliin na maging kabiyak ng kaniyang puso.

Isang araw, habang naglalakad si Laida sa isang tubuhan, napansin niyan aanihin na ito.
Tumabas siya ng isang tangkay ng tubo at iniuwi sa kanilang tahanan. Hinati niya ito sa apat,
ang gawing dulo ng bawat hati ay sa may buko ng tubo at ang kabilang dulo ay sa may gitna ng matamis
at makatas na bahagi.

Isang gabi habang sabay na nagsidalaw ang mga binata upang manuyo ay ibinahagi niya ang mga piraso
ng tubo sa bawa’t isa. Hinimok niyang kainin nila ang mga ito na nagpaunlak naman. Lahat ay nagsimulang
kumagat sa matatamis na bahagi ng tubo patungo sa buko nito maliban kay Jun na inunang kagatin ang buko ng tubo.

Lumipas ang isang linggo isang kasalan ang natunghayan sa baryong iyon. Mapalad si Jun na nakaisang dibdib
si Laida. Marami ang nagtanong kung bakit si Jun na isang hamak na alagad ng sining lamang ang kaniyang
nagustuhan. Ipinaliwanag niya na nagustuhan niya ang sistema ng pagkain niya ng tubo na inuna ang buko
patungo sa matamis na bahagi nito na maikukumpara sa isang pagmamahal na habang tumatagal ay patamis ng patamis.
posted by RCGoCreations at 10:20 AM 0 comments

Sabado, Enero 17, 2009

ANG GALIT NI ELENA

Maragal ng nagsasama s I Elena at si Nardo. Nagkaroon sila ng isang supling na nasa 9 na taong gulang na. Maraming babaeng dumaan sa buhay ni Nardo bago ito nabihag ni Elena. Maganda si Elena maikukumpara siya sa isang bituing marikit kung saan napakaraming binata ang naghangad ng kagandahan nito. Marami ang nainggit kay Nardo nang makaisang dibdib niya si Elena. Isang inhinyerong sibil si Nardo, ang kita nito ay sobra sobra para sa kaniyang pamilya. Dahil dito ay di naalis ang pagkapabling nito sa babae. Madalas siyang magpalipat-lipat ng bahay aliwan at birhaws. Sa tagal ng pagsasama nila ni Elena ay parang nanabik ito sa mga mas bata at mapapayat na babae. Tumaba kasi si Elena nang kaunti na ayaw ni Nardo. Nabalitaan ni Elena na tumatambay ito sa mga birhaws at doon ay nakikihalubilo sa mga kadalagahan. Nagplano si Elena, nagpapayat ito ng isang buwan ngunit di pa rin pansin ito ni Nardo. Isang araw ay kinausap ni Elena ang me ari ng birhaws na kinahuhumalingan ng kaniyang asawa. Nagpanggap siyang isang "hostess" at ang pakay ay lumapit kay Nardo upang ma iteybol. Nagbayad si Elena sa me ari ng limangdaang piso para sa plano.

"waiter! me bago ba tayo diyan?" wika ni Nardo

"meron sir, tiyak magugustuhan niyo"

"sige iteybol ko"

(binigyan pa ng tip ni nardo ang waiter)

Lumapit si Elena na ubod ng rikit, masasabi mong isang dalaga na nooy kamumukadkad pa lang. Makapal ang kolerete nito sa mukha at ubod ng hinhin sa paglalakad.


"hi ikaw pala si Nardo, ako pala si Jasmin" wika ni Elena na nagbabalatkayo

"maupo ka" sagot ni Nardo

"baka magalit ang misis mo kapag nahuli ka rito"

"wala akong misis, hiwalay kami tatlong taon na" sagot ni Nardo

"ganoon ba, o bakit parang ayaw mo sa akin bakit parang di ka masaya" wika ni Elena

"a e... papalitan kita kasi di ko gusto dating mo sa akin"

"bakit naman?"

"kahawig ka kasi ng misis ko, naiinis ako sa kaniya"

Pinalitan ni Nardo ang babae at nagpatuloy itong uminom. Lumipas ang isang buwan kinapanayam namin ang isang bilanggo sa "correctional"

"bakit mo nagawa iyon Elena?"

Di sumagot si Elena hanggang sa bumalik na lang ito sa bilangguan,

Sa puntod ni Nardo ay nakaukit ang katagang "ala-ala ng lubos na nagmamahal na asawa mo't anak"


ARAL: stick to one kayo mga pare..... he he he
posted by RCGoCreations at 10:18 AM 0 comments

Biyernes, Enero 16, 2009

ANG NEGOSYANTE

Isang negosyante si Boy na lumulugar sa mga mataong lugar. Tubong Cagayan at anak sa kahirapan. Namamakyaw siya sa Divisoria ng kung anu-anong pwedeng maipagbili ng may kaunting tubo kahit barya. Nariyan ang magbenta ng “fancy”, mga laruan , mga gamit sa kusina at kung anu-ano pa. Sa ganitong trabaho niya binubuhay ang kaniyang asawa at tatlong anak na nag-aaral na lahat. Salat man sa hirap ay naitatawid niya ng gutom ang pamilya. Nakapwesto siya sa bayan ng Novaliches noon ng makita siya ng kaniyang kaibigang si Lando.

“pare ayos ba ang benta”

“matumal pare simula ng magluwasan ang mga kapatid nating Muslim ay dina ako masyadong makabenta ng marami”

“bat ganoon may pagkakaiba ba?”

“malaki pare mura nilang nakukuha ang mga paninda, may magandang samahan ang mga ito na wala sa pangkaraniwang samahan”

“so di mabili ang paninda mo ganoon ba?”

“oo, doon sila sa mura kaya ako napipilitang ibaba ang presyo”

“bat di mo subukan sa ibang lugar o probinsiya”

“oo nga sa isang lingo susubukan ko sa Baguio”

Dumating ang araw na iyon, nagulat si Boy na makitang napakarami ring Muslim na kakumpitensiya sa lalawigan ding iyon. Napilitan siyang umuwi at nagbakasakali sa mga baying nadaanan tulad ng, Pangasinan, Tarlac, Pampanga at Bulacan.Nakipagkita siya kay Lando.

“pare halos lahat ng lalawigan may mga samahang Muslim na, din a ako makapagbenta”

“wag ka mawalan ng pag-asa lumuwas ka ulit kung saan man”

“sige sa huling pagkakataong ito sana naman makabenta ako ng maganda, tatawagan kita sa celphone mo pag may maganda o masama mang balita”

“goodluck pare”


Tumawag si Boy sa kaibigan makalipas ang isang lingo.

“pare badtrip napakarami ring Muslim dito!”

“ha san ba yan?”

“sa Davao pare”

“pare naman, natural lang e lalawigan nila iyan e”

“ganoon ba ngekkk!!!”

(ito ay totoong nangyari)
posted by RCGoCreations at 10:17 AM 0 comments

Huwebes, Enero 15, 2009

ANG MAHIWAGANG LALAKI

Isang samahan ang nagplanong likidahin ang isang lider ng isang kilalang sekta sa Bulacan. Ang unang rason ay upang mapigilan ang mga hangarin ng sektang ito na nakabubuti naman sa mga mamamayan at mga kaanib nito. Kilala ang lider ng sekta mula Aparri hanggang Jolo sa kadahilanang lumawak na ang nasasakupan ng sekta.

Si Ruel (di tunay na pangalan) ang naatasang lumikida sa lider ng sekta sa pamamagitan ng baril. Isang buwang plano ang ginawa ng lalaki upang malaman ang mga aktibidades ng sekta at kung saan ang mga iskedyul ng nasabing lider. Nang malaman niya ang tamang panahon at oras ay iniumang niya na ang kaniyang mahabang baril sa lider na kasalukuyang nagsesermon sa isang pagtitipon. Hindi niya makalabit ang nasabing baril at naging manhid ang kaniyang mga kamay. Lumipas ang labinlimang minuto ay nagdesisyon ng iurong ng lalaki ang plano. Nagtago ito sa samahang nag-utos sa kaniya sa takot na siya ay balikan. Makalipas ang isang lingo ay akipagkita siya sa lider ng sekta at dooy pinagtapat niya ang pangyayari. Nahabag ang lider at siya ay ipinagdasal. Hinipo ng Maykapal ang puso ng lalaki at umanib sa sektang iyon. Sa mahabang panahon ay di na siya hinanap ng samahan bagkus ay namuhay ng payapa na kaanib ng sekta. Di na rin siya nagtago at handang mamatay sa anumang oras.

Sa ngayon siya ay isang lider na lokal na rin ng sektang iyon at maraming humanga sa kaniyang buhay noon na tumanggap na sa Maykapal ngayon.
posted by RCGoCreations at 10:17 AM 0 comments

Miyerkules, Enero 14, 2009

ANG KAHILINGAN NI GUSTING

Isang matandang binata si Gusting na isang Aklanon. Nagtratrabaho siya sa Maynila bilang isang panadero sa isang pagawaan ng tinapay sa Quiapo. Tuwing magpapasko ay umuuwi siya sa kanila sa Kalibo, upang mabisita ang kaniyang matandang mga magulang. Ang kaunting pera na kaniyang naipon ay ibinibigay niya lahat sa mga ito bilang aginaldong pamasko. Nag-iiwan lamang siya ng kaunti para sa kaniyang pangangailangan. Isang araw sa pagtawid ng mga pasahero sa tulay na nagdudugtong sa pampang at barko ay may nahulog na isang dalagang nasa hustong edad na. Nagsigawan ang mga tao, di marunong lumangoy ang babae, humihingi ito ng tulong. Sa pagkakataong iyon ay biglang may tumalon na isang lalaking magiting sa pagkatao ni Gusting. Nahawakan niya ang babae sa buhok at nailangoy palapit sa ligtas na lugar. Nagpalakpakan ang mga tao sa kagitingan ni Gusting. Naging mag-kaibigan ang dalawa sa loob ng barko habang bumibiyahe na ito.

Isang araw, ay may dumating na magarang auto sa tapat ng bahay ng mga magulang ni Gusting. Nagulat ang lahat sa nakitang isang magandang babae na siyang iniligtas ni Gusting ang bumaba kasama ang isa pang lalaki na ama nito. Nakilala ng lahat na ang lalaki ay ang Mayor ng kanilang lugar. Hinarap sila ni Gusting sa ibaba ng bahay.

"hinahangaan kita sa kagitingan mo Gusting, naging masaya ang aking dalaga sa iyong kabayanihan sa pagliligtas mo sa kaniya" wika ng Mayor

"salamat po Mayor walang anuman po"

"binata ka pa pala, bibigyan kita ng isang kahilingan bilang gantimpala sa iyong kabutihan, mamili ka sa tatlong ito:
una - gusto kong mapangasawa ka ng aking anak na iyong iniligtas
pangalawa - bibigyan kita ng 1/6 ng kayamanan ko sa ating probinsiya
at pangatlo - ay pagkakalooban kita ng trabahong regular sa aking malaking kumpanya" paliwanag ng Mayor

"salamat po sa mga alok niyo Mayor, pero ang lahat ng iyan ay di ko matatanggap, ang gusto ko lang kahilingan ay ang malaman kung SINO ANG NAGTULAK SA AKIN NG MGA ORAS NA IYON NG MAHULOG SI BELEN NA ANAK NIYO! galit po ako doon Mayor, tulungan niyo kong makilala siya at ng makaganti ako sa kaniya.
posted by RCGoCreations at 10:16 AM 0 comments

Martes, Enero 13, 2009

ABUSADONG DRIVER

Isang inhinyero si Lito sa isang malaking kumpanya sa Quezon City. Siya ang naatasang maging "Project Coordinator" sa isang buliding na ginagawa sa Pasig, dahil dito pinagkalooban siya ng isang sasakyang mini dump truck na asul na siya niyang ginagamit sa pagtratrabaho. Maliit lang ang nasabing truck na halos kasing laki lamang ng isang pampasaherong jeep. naiuuwi niya ito sa kanilang bahay. Nilgayan niya ito ng stereo at mini tv sa loob at de aircon pa. Isang araw habang binabagtas niya ang daan sa Mercedes Pasig magtatakip-silim ay di sinasadyang masagi niya ang biglang sumulpot na tri-cycle sa kaniyang harapan. Mabuti na lamang ay di niya napataoob ito. nagpagewang-gewang lamang ito sa daan bago huminto at kitang-kita niya na nahulog sa likuran ang sakay na babaeng matanda at napaupo sa kalye. sa takot na bugbugin ng mga nakasaksing drayber at kumaripas ng andar ang truck at iniwan ang nasaging tri-cycle. May tatlong sakay na tao sa likuran ng truck si Lito at sumigaw na:

"engineer! hinahabol tayo ng mga drayber bilis!"

Pinaharurot ni Lito ang sasakyan at tuluyan ng naiwan ang mga humahabol dito.

Nang makarating sa kanilang proyekto ay nag-usap-usap ang mga ito.

"di kusana tatakbuhan kaso galit ang mga drayber nakita ko naglabas ng tubo yung isa" wika ni Lito

"oo nga nakita ko rin boss buti nalang nakatakbo tayo'

"pero sa palagay niyo ba grabe ang tama ng nasanggi natin?"

"hindi boss nakita namin tumayo agad ang matanda, di naman nabalian o nasaktan ng grabe"

"pero mali pa rin tayo dapat tinulungan natin" wika ni Lito

"ok na yun boss, siguro naman maayos na iyon"

"sige mga bata, magpabili nga kayo ng beer at mag relax tayo"

"yeheeeyyyy"

Nang sumunod na araw ay dumalaw si Lito sa kaniyang Tiyahin sa Sampaloc Manila. Nagulat ito sa nakita.

"tiya! bakit may benda tuhod niyo, napano kayo?" tanong ni Lito

"ba e nung isang araw na naningil ako ng pautang e nasanggi kami ng isang elf truck habang sakay ako ng tri-cycle, sukat ba namang takbuhan kami, nasa likuran ako nakasakay nahulog tuloy ako, hinabol nga ng mga tri-cycle drayber e di inaabutan at napakabilis ng abusado"

"naplakahan niyo ba ang truck at anong kulay?"

"di nga e, mag gabi na iyon biglaan ang pangyayari, napaliko agad iyong truck sa talahiban kaya di nakita ang plaka, naku tamaan sana ng kidlat ang lekat napakawalng puso ang mga ganoon ay di dapat magtagal sa mundo"

"saan ba nangyari?"

"sa Mercedes Pasig, doon kasi nakatira si Emoy na umutang sa akin ng 5/6"

"dapat kasi tigil niyo na ang 5/6 masama iyan e may karma iyan"

"siguro nga rin kaya nga di nako ng papautang sa ngayon, yung mga ibang pautang na lamang ang sinisingil ko"

"o tiya eto ang 2 libo, medyo nakakuha ako ng kumisyon sa mga materyales sa Construction, sa inyo yan pambili ng gamot niyo kung kulang pa"

"aba! ang kuripot kong pamangkin dinaanan yata ng anghel, salamat dine anak at diko tatanggihan ito"

nag-usap pa pa ng mga ilang minuto ang magtiyahin at nagpaalam na si Lito at sa kaniyang pag-alis ay naibulong niya sa sarili. Grabe si Tiya pala iyon siguro naman nakabawi nako sa kasalanan ko sa kaniya, pero di ko maamin sa kaniya na ako ang may kagagawan niyon.

Naging madalas ang pagdalaw ni Lito sa tiyahin na kinagugulat ng huli lalo na't panay ang bigay ng pasalubong nito.
posted by RCGoCreations at 10:16 AM 0 comments

Lunes, Enero 12, 2009

ANG MALAS NA BOTE

Saudi Arabia, 1995. Tinatahak ni Rolly ang malaking daan patungng Qatif. Galing siya ng Dammam noon sa isang samahan ng mga Pilipino. Dito ay nagkaroon ng inuman at kasayahan sa isang tagong lugar. Batid ni Rolly na bawal uminom sa naturang bansa kaya hindi ito nagpaunlak na uminom ng alak na sadiqi. Alam niyang magmamaneho pa siya kinabukasan. Huminto ito sa isang bakala o grocery upang bumili ng maiinom na orange juice.

"mabuti pa ito safe na at nakadadagdag pa ng lakas ng katawan at nakahahaba ng buhay." wika nito sabay tungga ng juice na nasa babasaging botelya.

Sumakay muli siya ng kaniyang GMC truck pick up na gamit niya sa trabaho bilang technician sa isang malaking kumpanya. Nagtratrabaho na siya rito ng halos tatlong taon. Mabilis ang pagpapatakbo niya ng kaniyang sasakyan habang tumutungga ng juice.

"hmmm sarap talaga ng juice dito sa Saudi, kaya gusto ko rito e" wika nito na sarap na sarap sa iniinom, pagkatungga ay hinahalikan pa nito ang bote.

Nasa kahabaan na siya ng Hi-way ng maubos ang iniinom na bote, inilagay niya ito sa lagayang ng baso sa gitna ng sasakyan malapit sa handbrake. Nakakita siya ng isang ilaw na umiikot ikot mga kalahating kilometro ang layo. Nasabi niya sa sarili ay:

"naku, ambulansiya na naman, siguradong may aksidente na naman at disgrasya"

Papalapit ng papalapit ang ilaw na umiikot, papalapit ng papalapit ito ng mapansin niyang ang ilaw na ito ay headlight ng isang kotse na nagpapaikot-ikot sa kalye gawa ng sandstorm. Mababangga niya ito kung kaya't kinabig niya ang kaniyang manibela. Nakailag siya rito ngunit gumilid siya at mababangga niya naman ang isa pang sasakyan na nakahinto sa gilid na noo'y na ka hazzard light na. Ginamit niya ang preno ngunit hindi ito makapreno sa kadahilanang nakaipit dito ang bote ng Juice na nahulog mula sa kaniyang pinaglagyan dahilan upang sa isang iglap ay sumalpok ito sa nakahintong sasakyan. Nagpaikot-ikot ang sasakyan ni Rolly. Wasak ang unahan nito, bumalandra siya sa buhanginan, Duguan si Rolly ng huminto ang sasakyan. Gumulong ang bote sa loob ng sasakyan patungo sa kaniya na nagkataong dumampi ang labi nito sa kaniyang bibig. Tumulo ang patak ng juice nito na nahaluan ng dugo. Ito ang huling sulyap ni Rolly sa boteng kaniyang pinupuri kani-kanina lamang. Nalagutan na siya ng hininga.
posted by RCGoCreations at 10:15 AM 0 comments

Sabado, Enero 10, 2009

ANG PAGKAKAIBIGANG WALANG IWANAN

Matagal nang magkakaibigan sina Willie, Lito at Ernie. Sapul pa ng pagkabata'y magkakabarkada na ang tatlo. Kabilang sila sa pamilya ng mga mahirap kung kaya't high graduate lang si Willie samantalang grade 4 lang ang natapos ni Lito at Ernie. Dumanas sila ng mga hirap sa buhay ngunit sa kabila nito ay nakapag-asawa rin ang tatlo at nagkaroon ng kani-kanilang pamilya. Muli silang nagkasama-sama sa trabahong kanilang nakasanayan ang pagiging "construction worker" bilang mga mason. Isang araw at naatasan silang mag palatada sa isang mataas na gusali. Nakabitin sila sa isang ginawang gondola na bakal mula sa 35 limang palapag na iyon. Gumamit sila ng "safety belt" sa kanilang paggawa sa nasabing gusali. Kung tumunog na ang batingaw bilang hudyat ng alas dose upang kumain, ay di na sila bumababa mula sa gondola. Baon na nila ang kanilang pagkain mula sa kanilang dalang mga bag at sa gondola na rin sila namamahinga pagkatapos kumain. Unang binuksan ni Willie ang kaniyang baon at ng makitang tuyo ang ulam ay nasabi nitong:

"tuyo na naman! kapag bukas tuyo ang ulam ko ulit tatalon ako sa gusaling ito!" himutok ni Willie

Sumunod namang napanganga si Lito ng makitang tinapa ang kaniyang baon at nasabing:

"tinapa, lagi na lang tinapa, nangangaliskis na ako sa tinapa! bukas kapag tinapa ang baon ko ay lulundag ako dito sa gusaling ito!"

Huling binuksan ni Ernie ang kaniyang baon at bumulaga sa kaniya ang daing na ulam nito at nasabing:

"sus maryosep! daing na naman bukas kapag daing ulit ito magpapatiwakal ako sa taas ng gusaling ito!"

Nang sumunod na araw habang nagtratrabaho ang tatlo ay tumunog na ang batingaw na hudyat ng alas dose. Nang makita ni Willie na tuyo ang kaniyang baon ay dali-daling tumalon ito at kaagad na namatay pagbagsak. Sumunod si Lito na lumundag nang makitang tinapa ang kaniyang dalang ulam, patay rin na bumagsak ito. Huling binuksan ni Ernie ang kaniyang baon at ng makita niyang daing ito ay tinabig ang kaniyang bag sabay alis ng safety belt na katulad din ng ginawa ng dalawa at tumalon at patay na rin na lumagapak sa sementong ibaba.

Sa burol nang tatlo ay makikitang di tumigil ang pag-iyak ng kanilang mga asawa. Nabalitaan rin nila mula sa mga nakarinig na kasamahan sa "construction" ang dahilan ng kanilang pagpapatiwakal.Nasabi nila sa isa't-isa na:

"hu hu kung alam ko lang na ayaw niya ng tuyo ay di ko siya pinabaunan nito hu hu hu"

"ako naman di ko alam na sawa na siya sa tinapa, sana pinalitan ko ang baon niya hu hu hu"

Napansin nilang tahimik lang ang isang babae sa tabi ng ataul ni Ernie, nilapitan nila ito.

"Mrs, kayo bakit di ba kayo nagsisisi sa pinabaon niyong daing sa asawa niyo?"tanong ng dalawa sa babae.

"di niya ho ako Mrs., kapatid ako niya ako, hiwalay na siya sa asawa matagal na mga tatlong taon na , ako ay nagtataka kung bakit naging ganoon e siya lagi ang naghahanda ng kaniyang baon" wika ng babae.

Nagkatinginan ang dalawa sa narinig.
posted by RCGoCreations at 10:15 AM 0 comments

ANG LOLO NI CHUCK

Ang lolo ni Chuck na NHS batch 90 ay biktima ng tama ng bala noong nakaraang ikalawang digmaang pandaigdig. Tinamaan siya sa puno ng tainga ng pumasok malapit sa ilong. Noong mga panahong iyon ay hindi pa kaya ng operasyong medikal kung paaano matatanggal ito. Sa madaling salita, buhay pa ang matanda ngunit nakapirmis lang ang bala loob ng kaniyang ulo. Ilang taong pinagtitiisan ito ng kaniyang lolo sa tuwing tag-ulan at taglamig. Kumikirot kasi ang tingga na lumilikha ng sakit o kirot. Noong nakaraang taong 2000, habang nakaupo ang lolo ni Chuck ay nabahing ito at sa di inaasahang pangyayari ay lumabas sa kaniyang ilong ang tingga. Kinuha ito ni Chuck at itinago bilang alaala. Di kalaunan ay namatay ang kaniyang lolo. Marahil na hinintay lamang ang paglabas ng naturang tingga bago siya mamatay.
posted by RCGoCreations at 10:13 AM 0 comments

Biyernes, Enero 9, 2009

ANG MGA DAHON SA MAY BINTANA

Taglagas, nagsusulsi si Isabel ng kaniyang unipormeng gawa sa rami. Nasira kasi ang manggas nito sa kanilang pagsasanay sa CAT noong nakaraang araw sa paaralan nila sa NHS ng masabit ito sa isang alambreng bakod ng paaralan. Sa kaniyang tabi ay ang kaniyang inang nakaratay sa higaan. Tinaningan na ng doktor ang kaniyang ina sa pagkakaroon ng sakit na kanser. Minarapat niyang iuwi ang kaniyang ina upang sa huling sandali ng kaniyang buhay ay makasama niya ito. Nagiisang anak si Isabel, una na ring namayapa ang kaniyang ama ng mamatay ito sa atake sa puso tatlong taon na ang nakararaan. May natitira pang isang buwan sa buhay ng kaniyang ina nguni't sa pagsasalita nito sa anak ay tila namamaalam na ng maaga.


"anak, kung ako ay mawawala na, pagbutihin mo ang pag-aaral mo, pasensiya kana anak matanda na kaming nagkaanak ng tatay mo kaya di na namin nasubaybayan ang pag-aaral mo patungong kolehiyo"

"wag po kayong mag-alala inay pagbubutihin ku po ang aking pag-aaral"

"kung malakas lang ako ako na ang nagtahi ng damit mo, at bakit itim ang gamit mo may luntiang sinulid doon sa isang panahian ko"

"ayos na po ito inay, natahi kuna e, kahit papaano nagawan ng paraan, natuto po ako sa aming klase sa Home Economics"

"ang mga tiyo at tiya mo, sila na ang bahala sa iyo, ibinilin na kita pati itong bahay natin para sa iyo, nag-iisa ka pa naman naming anak"

"kami napo nila tiyo ang bahala inay"

"nakikita mo ba ang mga dahon ng talisay sa bintana, unti-unti siyang nalalagas, parang buhay ko unti-unting nauupos"

"wag po kayong magsalita ng ganiyan inay, hahaba pa po ang buhay niyo"(hikbi)

"kapag wala ng natirang dahon sa sangang iyan anak, ay mawawala na rin ako"

"inay naman, mabuti pa magpahinga na kayo at mamaya darating na si yaya pag papasok na ako, inumin niyo gamot niyo ha"
(sabay halik sa noo ng ina)

Isa-isang nalagas ang dahon ng Talisay, makalipas ang isang linggo ay tatlong dahon na lang ang natira rito.

"anak tatlo na lang ang dahon marahil mamaya o bukas ay mamatay na ako"

"di po malalagas ang mga dahon inay, may awa ang Diyos at ipipirmis niya iyan para sa inyo"

Dumating ang kinahapunan, isang dahon na lamang ang natitira sa puno. Tumunog ang radyo.

"isang bagyo ang paparating sa kamaynilaan, ito ay may dalang hanging nasa 35 KPH lamang, mahina ngunit kailangan pa rin nating maghanda"

"anak may bagyo mamayang gabi, mamamaalam na ako sa iyo, tiyak sa magdamag ay malalagas na ang nag-iisang dahon na iyan"

"inay naman, malakas pa kayo ay kahit malagas iyan ay buhay pa kayo at bukas at hahaba pa ang buhay niyo"(hikbi)

Dumating ang gabi, maulan mahangin, nakasara ang bintana ng bahay, di makita ng matanda ang puno ng talisay. Kinaumagahan, binuksan ni Isabel ang bintana, bumungad dito ang nag-iisang dahon na hindi nalagas sa magdamag na hangin. Nagtatakang napangiti ang matanda.

"tama ka anak, itinulot ng Diyos na hindi malagas ang dahon para ako ay mabuhay pa at makapiling kita"

Niyakap ni Isabel ang ina, maghapon niyang binantayan ito kasama ang kanilang katulong at bago sumapit ang gabi ay nakangiti itong namayapa sa piling niya. Tumulo ang luha ni Isabel, dumungaw siya sa bintana at tiningnan sa magtatakipsilim na langit ang nag-iisang dahon na kaniyang itinali ng luntiang sinulid upang di mahulog sa lupa.
posted by RCGoCreations at 10:12 AM 0 comments

Huwebes, Enero 8, 2009

ANG KAAWA-AWANG ANAK

Isang dalagang Pilipina si Elena, marikit, maganda at kabigha-bighani ang kaniyang alindog sa kalalakihan. Ngunit sa kabila nito ay mahiyain siya at hindi nagpapaligaw. Matatawag rin natin siyang di-makabasag pinggan sa kaniyang hinhin. Maraming kalalakihan ang sa kaniya'y nanghihinayang. Di niya kasi pinahihintulutang umakyat ng ligaw ang mga ito. Di niya rin pinapansin ang mga lalaking sa kaniy'y bumabati. Nasa edad 23 na si Elena ng mga panahong iyon, tamang edad na sa isang babae upang makapag-asawa. Isang gabi, isang lalaki ang sa kaniya'y nanghimasok, pinasok nito ang kaniyang silid at tinutukan siya ng balaraw sa tagiliran. Sinabi ng lalaki na sundin lang ang kaniyang ipag-uutos ay hindi siya sasaktan. Nakasuot ng "bonnet" ang nasabing lalaki. Sa madaling salita ay pinagsamantalahan siya nito at nailugso ang kaniyang puri. Di halos matanggap ni Elena ang mga pangyayari lalo na'y nagbunga ang kapusukan ng mahiwagang lalaki. Naisumpa niya sa sarili na mapapatay niya ang lalaking lumapastangan sa kaniya. Kinalinga niya ang kaniyang anak na babae sa tulong ng kaniyang mga magulang na noo'y dumamay sa kaniya. Matagal-tagal na panahon na ring kinakalinga niya ang kaniyang anak na anim na taon na ng lumigaw si Alberto sa kaniya. Isang binatang makisig at maamo ang mukha na di matatanggihan ng kahit sinong dalaga.Tumagal ng isang taon ang panliligaw ng lalaki. Tanging si Alberto lamang ang naglakas loob na lumigaw sa kaniya ng mga panahong iyon, sa kadahilanang di na naging maganda ang imahe ni Elena sa mga kalalakihan. Sa madaling salita, nahulog na rin ang loob ni Elena kay Alberto lalo na't naging malapit ang kaniyang anak sa lalaki. Ikinasal sila sa kumbento malapit sa kanilang tirahan. Hindi inalintana ni Alberto ang mga bulung-bulungan ng mga tao patungkol kay Elena. Bago pa man siya ikasal ay ipinagtapat na ni Elena ang mga pangyayari sa kaniyang buhay na di naman naakpetuhan ang pagmamahal ni Alberto sa kaniya. Sa kanilang mag-dadalawang buwang pagsasama ay may ipinagtapat si Alberto kay Elena na ikinagulat ng huli. Sinabi ng lalaki na siya ang taong lumapastangan sa kaniya noong siya ay dalaga pa. Lumabas si Elena at pagbalik ay nakita niya na lamang ang kaniyang kamay na may hawak na patalim at ang matalas na parte nito ay nakabaon sa dibdib ni Alberto. Nagdilim ang isipan ni Elena sa mga pangyayari ng makitang napatay niya si Alberto. Nawala siya sa kaniyang katinuan at sa bahay ng mga baliw siya dinala ng mga kinauukulan. Naiwan ang kaniyang anak na si Lucy sa piling ng mga magulang ni Elena. nang lumaon ay namatay na rin ang mga magulang ni Elena at namuhay mag-isa si Lucy at di na nag-asawa pa.

ARAL: Huwag mong gawan ng isang pagkakamali ang isa pang pagkakamali
posted by RCGoCreations at 10:11 AM 0 comments

Miyerkules, Enero 7, 2009

ANG MILYUNARYONG NAMATAY SA GUTOM

Si Charles Rock ay isang negosyante, nakaipon siya ng limpak limpak na salapi sa pamamagitan ng kaniyang galing sa pagnenegosyo. Naging tanyag ang kaniyang pangalan sa buong Amerika. Sa kabila ng kaniyang pagiging mayaman ay di maikakaila na isa itong sakim. HIndi siya marunong tumulong sa mga nangangailangan. Tanging salapi lamang ang kaniyang sinasamba. Nagpagawa siya ng isang bahay na malaki at dito ay naglagay siya ng isang malaking silid sa "basement" na tatlo ang pintuan papasok. Sa loob ng panghuling pintuan ay makikita ang isang kaha de yerong bakal na may makapal at malaking pintuan rin. Sa loob nito ay parang isang silid na maituturing. Dito nakalagak ang milyones niyang mga salaping papel at ginto. May bentilasyon ang disenyo ng kaha de yerong silid sa pamamagitan ng isang 4 pulgada diyametrong tubo na dumederetso paitaas sa tatlong palapag niyang mansiyon. Lumalabas ito sa bubungan ng bahay. Kapag nagpupunta siya sa nasabing silid upang magbilang ng salaping kinita ay di niya isinasama ang anak maging ang asawa. Isang araw ng siya ay nagbibilang ng salapi sa loob ng kaha de yero ay di sinasadyang naisara niya ang pintuang bakal. Di na niya mabuksan ito. Wala ring makarinig sa kaniya sa kaniyang pagsigaw. Kumalat ang balitang nawawala ang milyunaryo. Inakala ng kaniyang pamilya na nangibang bayan lang ito ng walang paalam. Dumating ang isang buwan ay kinakailangan na ang kaniyang presensiya sa kaniyang mga negosyo. Dito ay nangamba na ang kaniyang pamilya. Hinanap nila ito at sinira ang tatlong pintuang nakapinid. Tumambad sa kanila ang kaha de yerong bakal. Sinira ito ng mga pulis sa pamamagitan ng "acetylene gas" .Umalingasaw ang amoy ng naaagnas na bangkay ni Charles na nakitang may subo-subo pang pera sa kaniyang bibig. Base sa awtopsiya, ang unang ikinamatay ni Charles ay gutom at uhaw, kung kaya't pati perang papel ay kaniyang kinain. Nakakahinga naman siya sa loob dahil na rin sa nasabing bentilasyon. Ngunit walang nag-akalang nasa loob siya ng kaha sa mahabang panahon. Di rin marinig ang kaniyang sigaw sa selyadong sislid na iyon. Napakasaklap ang nangyari kay Charles na naging aral sa lahat ng mga nakaalam ng pangyayari.


ARAL: Huwag mong gawing panginoon ang pera, at ibahagi sa iba ang mga sobrang pagpapala sa buhay upang makatulong.
posted by RCGoCreations at 10:11 AM 0 comments

Martes, Enero 6, 2009

MGA ANAK NI TANDANG PILO

Isan lugar sa lungsod ng Quezon ang biniyayaan ng makabagong pagbabago sa mga matataas na gusali nito at magagandang landas na may mga ilaw sa gabi. Mapapansin sa isang bakanteng lote sa isang sabdibisyon ang isang lumang kubo ni Tandang Pilo na nasa 70 taong gulang na. Wala ng itong kapamilya sa lugar at dito na inabot ng kanyang katandaan. Kilala siya sa lugar noon na isang sapatero sa siyudad. Di na siya nakakapaghanapbuhay sa ngayon, umaasa na lamang siya sa mga bigay na tulong at pagkain ng mga kapitbahay. Napamahal na rin kasi si Tandang Pilo sa kanila sa tagal ng panahong inilagi nito sa lugar na noo'y tumutulong sa kanila sa pagtutubero, paglilinis ng paligid at pagkumpuni ng mga sirang bagay sa bahay. Ang may-ari ng lote ay nasa Estados Unidos at siya ang naatasang magbantay nito kapalit ang libreng pagtira niya rito.

May alaga siyang aso at pusa na pinangalanan niyang Boy at Nene. Makikitang madalas na naglalaro ito sa kanilang bakuran Itinuturing niya itong mga anak. Kinakausap niya ito ng parang tao. At ibinibida niya sa mga kapitbahay ang sipag ni Boy sa pag-iigib sa gulang na sampu at ang galing ni Nene sa pananahi sa gulang na pito. Sinasakyan na lamang ng mga kapitbahay ang mga ikinikilos ni Tandang Pilo. Batid nilang may katandaan na ito at mag-uulyanin na. Isang araw sa di inaasahang pangyayari ay nagkasakit ang asong si Boy at namatay. Inilibing niya ito sa ilalim ng haligi ng kubo at inalayan ng gumamelang bulaklak sa puntod nitong sinimentuhan na sukat sa isang lapida. Pinangalanan niya itong Boy at nilagyan ng katagang "mahal na mahal kita". Ikinalungkot ng lubusan ni tandang Pilo at pusang si Nene ang pangyayari. Naging matamlay sila at halos di na makakain hanggang si Nene ay magkasakit na rin at binawian na rin ng buhay. Itinabi niya ang libingan ni Nene sa puntod ng asong si Boy at nilagyan ng katagang "mahal na mahal kita Nene". Inalayan din ng mga kapitbahay ng bulaklak ang puntod ni Nene bilang paggalang at pagdamay na rin kay Tandang Pilo.

Lumipas ang pitong araw ay di na nakikita si Tandang Pilo sa bahay. Ang mga bulaklak ng puntod sa ilalim ng bahay ay nangalanta na at di na napapalitan di tulad ng dati na laging pinapalitan ng matanda. Walang nagawa ang mga kapitbahay kundi pasukin ang kubo at dito nakita ang bangkay ni Tandang Pilo. Lungkot at katandaan na rin ang ikinamatay nito ayon sa kapitan del baryo. Inilibing nila ng maayos ang matanda sa sementeryo bilang paggalang sa kaniyang mga itinulong sa lugar noong siya ay malakas pa. Nagpasyang gibain na ang kubo sa utos na rin ng may ari ng lote upang ipagbili na rin ang nasabing lugar. Napansin ng kapitan ang puntod ng mga alaga ni Tandang Pilo sa pinagtanggalan ng kubo. Ipinagutos niyang ipahukay ito at itabi sa puntod ng matanda sa sementeryo bilang paggalang na rin sa mga itunuturing niyang mga anak.
Laking gulat ng mga naghuhukay ng tumambad sa kanilang harapan ang kalansay ng dalawang bata na nasa sampu at pitong taong gulang.
posted by RCGoCreations at 10:10 AM 0 comments

Lunes, Enero 5, 2009

ANG MGA MAG-AARAL NG SITIO POLO

Isang siyudad sa Norte noong dekada sisenta ang malayo sa sibilisasyon. Nang mga panahong iyon ay bibihira ang mga paaralan sa lugar. Nabiyayaan ng isang iskwelahan ang Sitio Polo na isa sa liblib na barangay sa siyudad na yaon. Ang balakid lamang ng mga pinagpalang mag-aaral ng Sitio ay ang layo nito sa kanilang mga tirahan. Gugugol sila ng dalawang oras sa anim na kilometrong paglalakad sa mga pilapil at daan kasama na ang pagtawid sa isang ilog na may kawayang tulay. Si Melba at Lando ay magkapatid na masipag mag-aral. Gigising sila ng alas kwatro ng madaling araw upang ipag-igib muna ang mga magulang na noo'y matatanda na. Nasa elementarya pa lang ang magkapatid,anim na grado na si Melba at apat naman si Lando. Pangarap ng kanilang ina ang makapagtapos sila ng pag-aaral kahit man lamang sa haiskul. Matapos ang kanilang pag-iigib sa poso di kalayuan sa kanilang tirahan ay magluluto naman sila ng almusal bago maligo at magdamit ng uniporme. Impunto alas sinko ay magsisimula na silang maglakad para makarating roon ng alas 7 ng umaga. may 30 minuto pa silang makakapahinga sa pagsisimula ng klase sa oras na 7:30 ng umaga.

Isang araw ay tinanghali sila ng gising sa oras na alas 5:30 ng umaga. Naglaba kasi sila kagabi at pagkatapos ay nag-aral. Marahil nahapo sa pagod ng mga oras na yaon. Di na sila nakapag-igib at humingi ng paumanhin sa kanilang mga magulang. Dali dali silang nagbihis ng uniporme at nagmamadaling umalis na patungong paaralan. Nasalubong nila ang magkaibigang si Rene at Lani na mga kaklase ni Melba sa anim na baitang. Nagmamadali rin ang mga ito sa paglalakad.

"naku huli na tayo sa pagpasok, tiyak na papagalitan tayo ng ating mga guro" wika ni Lani

"oo nga di kasi namin napansin ang oras, pagod kami sa gawaing bahay kagabi, matapos pa nito'y ginawa pa namin ang aming mga asignatura" sagot ni Melba

"mabuti pa ay magdasal tayo sa Diyos na sana ay di tayo mahuli sa klase, kasi di tayo papasukin ng guro sa unang klase natin at sa pangalawa na tayo makakapasok na sa oras na 8:30" sabat naman ni Rene

Ngadasal ang mga bata ng mga oras na iyon.


Krrrrngggg!!!! hudyat na pasimula ng klase.

Nakapasok si Melba at Lando sa oras ngunit ang magkaibigang Rene at Lani ay wala pa. Nagkita sila ng 8:30

"paano kayong nakarating sa oras ang ibig sabihin ba'y mas magaling ang Diyos niyo kaysa sa amin e iisa lang naman ang ating Diyos di ba, bakit kami nahuli sa oras?" usisa ni Lani

"Nagdasal kaming magkapatid na tumatakbo, samantalang kayo ay nagdasal at lumuhod pa sa lugar na pinag-iwanan namin sa inyo" sagot ni Melba.


ARAL: Huwag iasa sa Diyos ang lahat ng kahilingan ng walang kasamang gawa, kundi samahan mo ng pagkilos upang makamtan ito. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
posted by RCGoCreations at 10:09 AM 0 comments

Linggo, Enero 4, 2009

ANG MENSAHE SA BOTE

Siyam na taong gulang pa lang si William Wesly na anak ng isang Colonel noong 1944, siya ay isinama ng ama sa sasakyang pandigma nung nakadaong ito sa Pearl Harbor. Habang naglalaro si William ay naisipan nitong magsulat sa isang papel na ang nakasaad ay "kung sino man ang makakuha nito ay ipadala sa ganitong lugar sa Amerika at mag-kaka reward ng 5 Dollars". Ang limang dolyar ng mga panahong iyon ay di hamak na malaki kaysa ngayon. Ipinaloob niya ito sa isang boteng babasagin at tinakpan ng tapon. Inihagis niya ito sa dagat at inanod papalayo.

Dumating ang panahong 1999 ng makuha ito ng isang mangingisda sa dagat malapit sa Samar sa Pilipinas. Binuksan nito ang bote at nabasa ang nakasaad sa papel. Ipinagbigay alam niya ito sa isang kaibigang maykaya na siyang kumontak sa nasabing tao na si William na ngayoy isang Colonel na rin sa US Army. Natuwa ang nasabing opisyal sa pagkakatuklas ng kaniyang liham mahigit limang dekada na ang nakararaan. Naisip nitong napakaraming unos ang dinanas ng boteng yaon. Nagpadala ng limang Dolyar ang opisyal sa nasabing mangingisda na ikinagulat nito, ang limang dolyar ng mga panahong iyon ay maliit na lamang. Inaasahan sana ng mangingisdang mas malaki ang ibibigay ng nasabing opisyal sa pagkakatuklas niya ng bote. Ikinabagot ng mangingisda ang pangyayari at nasabing sana'y binasag niya na lamang ito. Inilagay ng opisyal ang bote sa isang baul at itinago sa isang silid.



ARAL: Huwag maghangad ng mas malaki sa nakatakdang halagang makukuha.
posted by RCGoCreations at 10:09 AM 0 comments

Sabado, Enero 3, 2009

ANG MANGANGASO

Masipag na mangangaso ang magkapatid na sina Fabian at Ver, sa katunayan ay nakapag-uuwi sila ng kanilang ikabubuhay sa maghapong patratrabaho sa gubat. Minsa'y nakapag-uwi na rin sila ng isang malaking usa at mga prutas galing sa yaman ng gubat. Sa kabila ng kanilang mga pagpapala, ay nalilimutan naman nilang magpasalamat kay Bathala sa mga biyayang ibinigay sa kanila. Dalawa lang sila sa buhay kung kaya'y hindi sila hirap sa pagkain at iba pang pangangailangan. Napapansin tuloy sila ng kanilang mga kapitbahay at napag-uusapan.

"tingnan mo ang mga iyan ni hindi magbigay dasal sa kanilang mga pagpapala"

"at ni hindi rin marunong magdasal bago kumain"

"kasi naniniwala silang ang kanilang mga biyaya ay sa kanilang pagsisikap lamang at walang tulong si Bathala"

"pabayaan mo sila hindi tayo nagkulang sa kanila ng paalaala, buhay nila iyan at wag na nating pakialaman"

Isang araw ay nangaso uli ang magkapatid. Bumungad sa kanila ang napakalaking Leon. Nakatitig ito sa kanila at handang sagpangin. Di na nagdalawang isisp ang magkapatid, binitiwan nila ang kanilang mga gamit sa pangangaso at kumaripas ng takbo. Halos lumutang ang kanilang mga paa sa lupa sa bilis ng kanilang pagtakbo. Napakalaki ng bawat lundag ng Leon kung kaya't naaabutan sila kaagad-agad. Umabot sila sa isang lugar kung saan wala ng matatakbuhan. Takot at mangiyak-ngiyak na humarap sila sa galit na Leon nakaupo ito na mga sampung dipa ang layo mula sa kanila. Napatawag kay Bathala ang magkapatid sa tindi ng takot.

"Bathala, patawarin niyo kami at di kami nakakapagpasalamat sa Iyo sa mga biyayang natatanggap namin hu hu hu"...

"opo Bathala sanay hipuin Niyo ang Leon na ito na wag kaming kainin hu hu hu"

Yumuko ang Leon na wari'y umamo ang mukha, tumagal ito ng mga isang minuto. Dahan dahang lumakad ang magkapatid patakas habang nakayuko ang Leon ng biglang magsalita ito.

"Grrrowlll! san kayo pupunta ha, di niyo ba alam na kaya ako yumuko ay nagdadasal muna ako bago kumain! growwlll"

"waaaaaaa yaahhhh!!!!!"

Tatlong minuto bago tuluyang tumahimik ang paligid.


ARAL: Magpasalamat sa Diyos sa lahat ng mga biyayang natatanggap. Magdasal bago kumain.
posted by RCGoCreations at 10:04 AM 0 comments

Biyernes, Enero 2, 2009

ANG PROPESOR AT ANG BANGKERO

Isang kilalang propesor si Dr. Tadeo sa isang kilalang Unibersidad sa kanilang lungsod. Siya ay matatawag na siyentipiko sa lahat ng bagay sa angkin niyang talino. Ang lahat ng mga mag-aaral di lamang sa kanilang Unibersidad kundi sa lahat ng unibersidad ay di maipagkakailang si Dr. Tadeo ay isang magaling na propesor.

Isang araw, ang nasabing propesor ay naatasang magsaliksik sa isang bundok pa tungkol sa mga iba't-ibang uri ng paru-paro sa nasabing lugar. Kinakailangan niyang sumakay ng bangka mula sa isang baryo patungo sa bundok ng Harurot. Maglalakbay sila ng halos tatlong kilometro upang makarating sa pulong kinaroroonan ng bundok. Sa kaniyang paglalakbay, dalawa lang silang sakay ng bangka, ang bangkero at ang propesor. nagtanong ang propesor sa bangkero.

P: Mamang bangkero ikaw ba'y nakapag-aral?
B: Hindi po kasi wala po kaming pera pero nakakaintindi po ako ng kaunti.
P: Ikaw ba'y marunong ng matematika?
B: ano po ba yun, nakakain po ba iyon?
P:ha ha haha!!, alam mo bang kapag di ka marunong ng matematika e 1/4 ng buhay mo ay nawawala sa iyo
B: Di ko po alam e...paumanhin po
P: e siguro naman Agham e marunong ka?
B: di rin po ano po ba yun ,lugar po ba yun?
P: ha ha ha hi hi hi !! e di 1/4 uli ng buhay mo nawala sa iyo ha ha ha hi hi
B:paunmanhin niyo po wala po kasi akong alam sa agham na yan
P: siguro naman Balarila e alam mo kasi salita natin iyan?
B: di ko rin po alam ang Balarila..
P: haha ha ha ha hak hik hik, wala kang alam sa balarila! e di 1/4 uli ng buhay mo nawala sa iyo ha ha ha he he he!!! amang 1/4 na lang ang natititra sa iyong buhay kaya alagaan mo yan he he he...

Dumating ang malakas na bagyo na biglang sumalubong sa bangka sa gitna ng laot. Tanaw na ang pulo ngunit di sapat ang bilis ng sagwan upang makarating dito.

B:Ginoong propesor! may bagyo lumalakas ang alon, marunong ba kayong lumangoy!! tatalon tayo sa bangka kasi tataob ito
P: aa! e e hi-hindi amang tulungan mo ako di di akong marunong lumangoy!
B: kung gayon ako may 1/4 ng buhay na natitira at gaya ng sinabi niyo kailangan na pangalagaan ko ito kayo ay di nag-aral lumangoy kaya buong buhay niyo ang mawawala sa iyo, sige po at mauuna na akong pumunta sa pulo
P: wag! amang wag mo akong iwan tuturuan kita ng matematika, agham at balarila! wag mo akong iwaaaannnn!!! hu hu hu

Tuluyan ng nilamon ng alon ang bangka at propesor at pagod ngunit ligtas na nakarating ang bangkero sa Bundok ng Harurot, nakangiti ito at handang buuin muli ang nawalang 75% ng kaniyang buhay.


ARAL: Walang perpektong tao sa mundo, ang lahat ay may kani-kaniyang kasanayan sa lahat ng larangan ng buhay kaya't mabuting alamin ito at magpakumbaba upang matuto sa mga taong mas mababa sa iyo.
posted by RCGoCreations at 10:04 AM 0 comments

MALING AKALA

Si Facundo ay isang mabait at mapagmahal na ama, namatay ang kaniyang asawa sa panganganak sa anak nilang babae na si Eloisa na isang taon pa lamang ngayon. Siya ang nag-aruga sa sanggol upang mabuhay. Iniiwan niya ito sa kanilang kapitbahay na lola Berang kung siya ay magsasaka sa bukid. May alaga siyang aso na si Puti, parang bulak ang balahibo nito sa kaputian, mahal ma mahal niya ito pangalawa sa kaniyang anak. Katulong niya ito sa bukid kapag nagtatanim ng palay. Nagsisilbi rin itong bantay sa palayan kung ito ay hinog na upang wag kainin ng mga lobo o anu mang hayup na peste. Siya ay may isang paltik na baril na minana niya sa kaniyang ama. Pinagyaman niya ito at laging nililinisan. Pinapuputok niya ito minsan isang buwan upang laging aktibo ang mga piyesa nito. Lagi niya itong dala sa kaniyang pagsasaka bilang paghahanda sa anumang hayup na sa kaniya'y susuwag sa lugar na iyon.

Isang araw, na wala siyang pagsasaka sa bukid ay inalagaan niya ang anak na si Eloisa, iniwan niya ito sandali katabi ng kaniyang asong si Puti upang magtungo sa di kalayuan sa bahay upang manguha ng gulay. Tulog na tulog ang kaniyang anak ng mga oras na iyon.Kinausap niya ang aso.

"Puti, ako ay magtutungo sandali lamang sa labasan at mangunguha ng gulay, paki bantayan mo si Eloisa"

Ang aso ay nakatingin sa kaniya na wari'y naintindihan ang kaniyang sinabi. Gumagalaw pa ang buntot nito na nahiga tumabi malapit sa kaniyang anak.

"hayaan mo Puti alam kong gutom ka na rin at ihuhuli kita ng palakang bukid at aking iluluto para sa iyo"

Umungol ang aso at napadila na wari'y nagutom sa kaniyang sinabi.

Makalipas ang limang minuto, ay nagbalik na si Facundo at buong gulat nang makita niyang sinalubong siya ng kaniyang aso na si Puti, balot ng dugo ang balahibo nito, halos nagkulay pula ang buong katawan nito. Dinidilaan niya ang mga natirang dugo sa kaniyang mga paa. Sa kabila nito, kumakawag-kawag pa ang buntot nito ng makita ang amo. Pumasok sa isipan ni Facundo na sa gutom ay nilapa nito ang kaniyang anak. Dali-dali niyang binunot ang kaniyang baril at isang malakas na putok ang umalingawngaw. Naghihingalo na bumagsak sa kaniyang harapan si Puti, wari'y nakangiti pa ito sa kaniya na umuungol, dinilaan ni Puti ang suot na bota ni Facundo ng lumapit ito sa aso bago nalagutan ng hininga. Matapos makitang patay na si Puti ay dali-dali siyang humangos sa kinaroroonan ng anak at dito niya nakita ang isang lobo na patay malapit sa kaniyang anak na kagigising lamang at nakangiti sa kaniyang pagdating. Nanlumo si Facundo at nanlupaypay. Sa kaniyang maling akala ay nagawa niyang patayin ang kaniyang mahal na alagang si Puti na siyang nagtanggol sa kaniyang pikamamahal na anak laban sa mabangis na lobo.

ARAL: Makapitong isipin ang anumang gagawin bago ito isagawa.
posted by RCGoCreations at 9:58 AM 0 comments