Maikling Kwento By Manny Ison Batch 1986

Lunes, Enero 5, 2009

ANG MGA MAG-AARAL NG SITIO POLO

Isang siyudad sa Norte noong dekada sisenta ang malayo sa sibilisasyon. Nang mga panahong iyon ay bibihira ang mga paaralan sa lugar. Nabiyayaan ng isang iskwelahan ang Sitio Polo na isa sa liblib na barangay sa siyudad na yaon. Ang balakid lamang ng mga pinagpalang mag-aaral ng Sitio ay ang layo nito sa kanilang mga tirahan. Gugugol sila ng dalawang oras sa anim na kilometrong paglalakad sa mga pilapil at daan kasama na ang pagtawid sa isang ilog na may kawayang tulay. Si Melba at Lando ay magkapatid na masipag mag-aral. Gigising sila ng alas kwatro ng madaling araw upang ipag-igib muna ang mga magulang na noo'y matatanda na. Nasa elementarya pa lang ang magkapatid,anim na grado na si Melba at apat naman si Lando. Pangarap ng kanilang ina ang makapagtapos sila ng pag-aaral kahit man lamang sa haiskul. Matapos ang kanilang pag-iigib sa poso di kalayuan sa kanilang tirahan ay magluluto naman sila ng almusal bago maligo at magdamit ng uniporme. Impunto alas sinko ay magsisimula na silang maglakad para makarating roon ng alas 7 ng umaga. may 30 minuto pa silang makakapahinga sa pagsisimula ng klase sa oras na 7:30 ng umaga.

Isang araw ay tinanghali sila ng gising sa oras na alas 5:30 ng umaga. Naglaba kasi sila kagabi at pagkatapos ay nag-aral. Marahil nahapo sa pagod ng mga oras na yaon. Di na sila nakapag-igib at humingi ng paumanhin sa kanilang mga magulang. Dali dali silang nagbihis ng uniporme at nagmamadaling umalis na patungong paaralan. Nasalubong nila ang magkaibigang si Rene at Lani na mga kaklase ni Melba sa anim na baitang. Nagmamadali rin ang mga ito sa paglalakad.

"naku huli na tayo sa pagpasok, tiyak na papagalitan tayo ng ating mga guro" wika ni Lani

"oo nga di kasi namin napansin ang oras, pagod kami sa gawaing bahay kagabi, matapos pa nito'y ginawa pa namin ang aming mga asignatura" sagot ni Melba

"mabuti pa ay magdasal tayo sa Diyos na sana ay di tayo mahuli sa klase, kasi di tayo papasukin ng guro sa unang klase natin at sa pangalawa na tayo makakapasok na sa oras na 8:30" sabat naman ni Rene

Ngadasal ang mga bata ng mga oras na iyon.


Krrrrngggg!!!! hudyat na pasimula ng klase.

Nakapasok si Melba at Lando sa oras ngunit ang magkaibigang Rene at Lani ay wala pa. Nagkita sila ng 8:30

"paano kayong nakarating sa oras ang ibig sabihin ba'y mas magaling ang Diyos niyo kaysa sa amin e iisa lang naman ang ating Diyos di ba, bakit kami nahuli sa oras?" usisa ni Lani

"Nagdasal kaming magkapatid na tumatakbo, samantalang kayo ay nagdasal at lumuhod pa sa lugar na pinag-iwanan namin sa inyo" sagot ni Melba.


ARAL: Huwag iasa sa Diyos ang lahat ng kahilingan ng walang kasamang gawa, kundi samahan mo ng pagkilos upang makamtan ito. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
posted by RCGoCreations at 10:09 AM

0 Comments:

Mag-post ng isang Komento

<< Home