Maikling Kwento By Manny Ison Batch 1986

Biyernes, Enero 9, 2009

ANG MGA DAHON SA MAY BINTANA

Taglagas, nagsusulsi si Isabel ng kaniyang unipormeng gawa sa rami. Nasira kasi ang manggas nito sa kanilang pagsasanay sa CAT noong nakaraang araw sa paaralan nila sa NHS ng masabit ito sa isang alambreng bakod ng paaralan. Sa kaniyang tabi ay ang kaniyang inang nakaratay sa higaan. Tinaningan na ng doktor ang kaniyang ina sa pagkakaroon ng sakit na kanser. Minarapat niyang iuwi ang kaniyang ina upang sa huling sandali ng kaniyang buhay ay makasama niya ito. Nagiisang anak si Isabel, una na ring namayapa ang kaniyang ama ng mamatay ito sa atake sa puso tatlong taon na ang nakararaan. May natitira pang isang buwan sa buhay ng kaniyang ina nguni't sa pagsasalita nito sa anak ay tila namamaalam na ng maaga.


"anak, kung ako ay mawawala na, pagbutihin mo ang pag-aaral mo, pasensiya kana anak matanda na kaming nagkaanak ng tatay mo kaya di na namin nasubaybayan ang pag-aaral mo patungong kolehiyo"

"wag po kayong mag-alala inay pagbubutihin ku po ang aking pag-aaral"

"kung malakas lang ako ako na ang nagtahi ng damit mo, at bakit itim ang gamit mo may luntiang sinulid doon sa isang panahian ko"

"ayos na po ito inay, natahi kuna e, kahit papaano nagawan ng paraan, natuto po ako sa aming klase sa Home Economics"

"ang mga tiyo at tiya mo, sila na ang bahala sa iyo, ibinilin na kita pati itong bahay natin para sa iyo, nag-iisa ka pa naman naming anak"

"kami napo nila tiyo ang bahala inay"

"nakikita mo ba ang mga dahon ng talisay sa bintana, unti-unti siyang nalalagas, parang buhay ko unti-unting nauupos"

"wag po kayong magsalita ng ganiyan inay, hahaba pa po ang buhay niyo"(hikbi)

"kapag wala ng natirang dahon sa sangang iyan anak, ay mawawala na rin ako"

"inay naman, mabuti pa magpahinga na kayo at mamaya darating na si yaya pag papasok na ako, inumin niyo gamot niyo ha"
(sabay halik sa noo ng ina)

Isa-isang nalagas ang dahon ng Talisay, makalipas ang isang linggo ay tatlong dahon na lang ang natira rito.

"anak tatlo na lang ang dahon marahil mamaya o bukas ay mamatay na ako"

"di po malalagas ang mga dahon inay, may awa ang Diyos at ipipirmis niya iyan para sa inyo"

Dumating ang kinahapunan, isang dahon na lamang ang natitira sa puno. Tumunog ang radyo.

"isang bagyo ang paparating sa kamaynilaan, ito ay may dalang hanging nasa 35 KPH lamang, mahina ngunit kailangan pa rin nating maghanda"

"anak may bagyo mamayang gabi, mamamaalam na ako sa iyo, tiyak sa magdamag ay malalagas na ang nag-iisang dahon na iyan"

"inay naman, malakas pa kayo ay kahit malagas iyan ay buhay pa kayo at bukas at hahaba pa ang buhay niyo"(hikbi)

Dumating ang gabi, maulan mahangin, nakasara ang bintana ng bahay, di makita ng matanda ang puno ng talisay. Kinaumagahan, binuksan ni Isabel ang bintana, bumungad dito ang nag-iisang dahon na hindi nalagas sa magdamag na hangin. Nagtatakang napangiti ang matanda.

"tama ka anak, itinulot ng Diyos na hindi malagas ang dahon para ako ay mabuhay pa at makapiling kita"

Niyakap ni Isabel ang ina, maghapon niyang binantayan ito kasama ang kanilang katulong at bago sumapit ang gabi ay nakangiti itong namayapa sa piling niya. Tumulo ang luha ni Isabel, dumungaw siya sa bintana at tiningnan sa magtatakipsilim na langit ang nag-iisang dahon na kaniyang itinali ng luntiang sinulid upang di mahulog sa lupa.
posted by RCGoCreations at 10:12 AM

0 Comments:

Mag-post ng isang Komento

<< Home