Maikling Kwento By Manny Ison Batch 1986

Huwebes, Mayo 13, 2010

Minsan May Isang Ama

"Kadyo, me dalaw ka!"

"uy me dalaw rin himala kosa sino yun asawa mo aba, bata pa a, at maganda tsk.. tsk me sikreto ka pala kosa"

"Kosang Jomar di ko kilala yan, kaya malamang reporter yan o mga istudyante" sagot ni Kadyo

Tumayo si Kadyo at tinahak ang daan patungo sa isang lamesang kuwadrado na dooy naghihintay si Elma na isang News Reporter na tumututok sa kaso ni Kadyo na lider ng Paltik Gang. Habang bantay ng isang pulis ay nagpaiwan ng bilin ang pulis kay Kadyo.

"Kadyo diyes minutos lang ha, walang gulo ha, babae kausap mo"

"wag ka mag alala sir ibang Kadyo na kaharap mo"

"Magandang umaga po mang Kadyo, ako po si Elma Santillan"
"kilala kita, nababasa ko ang kolum mo sa tabloid, ayos naman ang mga sulat mo roon at lumalabas na neutral ka, at alam ko namang nagkamali ako sa batas" sagot ni Kadyo

"Alam ko na po ang pinaghirapang buhay niyo"
"pano mo naman nalaman?"
"nagtungo po ako sa Samar sa lugar niyo sa isang isla, at doo'y nakausap ko ang inyong mga magulang"

"mahal na mahal nila ako Elma, sampu magkakapatid na lumaki sa hirap at halos elementarya lang ang natapos, pang apat ako,nagsumikap akong makatulong sa mga magulang ko. Napakahirap ng buhay sa amin, maging tubig tabang ay ginto, kung magsaing kami ay sabaw ng niyog ang gamit namin dahil napakahirap kainin ang sinaing na pinakuluan sa dagat"

"alam ko po iyong Mang Kadyo pero sa mura niyong edad siguro po nasa 38anyos na kayo tama po ba?"

"oo 10 taon na akong nakakulong dito, nagsimula ang aking krimen ng ako ay 17 anyos pa lamang, marami na akong napatay na pulis at sibilyang nadamay lamang, hirap kami at kailangan kong kumita ng pera kahit sa masamang paraan, OO kilala ko ang Diyos , pero tao lang ako at hindi sarili ko lang ang aking iniintindi kundi ang lahat ng tao sa aming isla. Sa lahat nga mga nakuha kong pera sa mga banko ay binabahaginan ko ang lahat ng mahihirap. Kasi sa atin mayayaman lang ang yumayaman, pati ang mga hayup na pulitkong iyan walang kwenta."

"ang iba niyong mga kapatid , saan napo sila ngayon ni hindi alam ng mga magulang niyo"

"di na nila ako inintindi, wala akong dalaw kahit isa, maliban sa kamag anak ng mga napatay ko, pumunta sila rito upang ako ay murahin at pasakitan, ang alam ko nag kaniya kaniya na sila, may nasa Masbate, Negros at Mindanao, ang isa ang dalawang nakababata kong kapatid e napatay rin sa isang holdapan sa Davao, magulo ang pamilya namin, minsan ninanis kong sana ay hindi na kami sumulpot sa daigdig, sana ay pinatay na lang kami sa sinapupunan ng aking ina"

"di naman siguro dapat ganun, Mang Kadyo, ang buhay ay laging me pag asa"

"sa palagay mu ba me pagasa pa ako?"

Sandaling natigilan si Elma at napabuntong hininga.

"noong bata pa kami, ay halos kamoteng kahoy ang aming kinakain, salamat sa yamang lupa ng bayan natin at tumutubo ang ganitong uri ng pagkaing ugat. Kung gusto naming kumita ay mangingisda kami ngunit napakahirap ng huli kaya gagawa kami ng mga dinamita. Kinukuha ko ang mga abono ng mangga at patutuyuin sa kawali dahil basa ito, ilalagay ko sa bote ng coca cola at lalagyan ng kaunting batong maliliit na pabigat sa bote lalagyan ng mitsang piston na sumisirit kahit sa tubig, at ilalagay sa ibabaw ng bote. Lalangoy kami kung saan ang mga koral ng isda, at sisindihan ang piston at ibabagsak sa dagat sisirit ang apoy at pagbagsak sa ilalim ay sasabog at lilikha ng kuryente, kailangan naming hawakan ang aming maselang bahagi ng katawan habang nakalublob sa dagat dahil maapektuhan ito sa pagsabog ng dinamita. Lulutang ang mga isda at hayun ang aming pinagkakakitaan, napakasamang gawain ngunit lalong sumama ng hindi lang isda ang aming napapatay kundi maging ang mga isda ng gobyerno, at dahil doon naapektuhan na rin ang aking semilya at hindi na nagkaanak sa asawa kong si Nelia na kinalimutan na rin ako ng makulong ako dito sa Munti".

"napakalungkot nga ng nakaraang iyan Mang Kadyo, me isa pa kong gustong sabihin sa inyo, kilala niyo ba si Victoria na taga Masbate"

"a,, ha ha ha, oo bakit saan mo siya nakilala?"

"Nasa Laguna po siya ngayon, balak niya ngang dalawin kayo nakilala ku po siya noong bata pa ako"

"naging kasintahan ko si Victoria ng 18 anyos ako, isang babaeng maganda na nagtintinda ng paborito kong bulalo, bakit bata ka pa kilala mo siya?"

"kasi po siya ang aking ina at sinabi po niya na panahon na para malaman ko ang totoo, ang aking kinagisnang ama ay si Doro na asawa ng nanay ko ngayon pero hindi raw siya ang tunay kong ama"

"ganun ba, nakadalawang asawa pala si Victoria, kung sabagay maganda talaga siya, bakit siya iniwan ng una niyang asawa?"

"kasi po nagtago na siya ng nakagawa ng krimen, maniniwala po ba kayo na ang amang aking hinahanap ay kayo Mang Kadyo?"

Natigilan si Kadyo sa narinig at napatingin sa dalaga. Yumuko at nag-isip di nito sukat akalain na siya pala ay isang ama.


"yan ba ang dahilan kung bakit tinutukan mo ang buhay ko" tanong ni Kadyo

"opo, alam po ng inyong mga magulang na ako ay inyong anak"

" kaylan pa ,ano sabi nila nasa maayos ba silang kalagayan?"

Nakaratay na po ang ang lolo, di na po siya nakakalakd na maayos, na stroke po siya nung isang taon, noon pa pong nakulong na kayo ay musmos pa lamang ako ay kapos kami, lumapit po si Nanay ke lola at ipinagtapat na ako ang inyong anak, sa lukso ng dugo ay natanggap po ako ni lola pero ayaw ipaalam ng lola sa akin na ang aking ama ay nakakulong, lumaki po ako sa piling ng nanay, masakit mang isipin na pinag-aral po ako ni lola gamit ang mga perang ipinadala niyo noon na galing sa masama"

"patawad anak, salamat naman at nagamit sa kabutihan ang pera, di ko ginusto iyon sana maintindihan mo ako" napayuko si Kadyo at napaiyak

"maari ko na ba kayong matawag na itay"

"maari ba kitang mayakap anak?"

Akmang tatayo si Kadyo ng sitahin ng guardiya, "Kadyo ano gagawin mo?!"

"mamang pulis, wala pong problema, siya po ang tatay ko" paliwanag ni Elma

"patawad anak ikamusta mo ako sa nanay mo at sa lolo at lola mo"

Napaluha si Elma. Bumalik sila sa kinauupuan. "di ku po ma feel na tatay ko kayo kasi di ako lumaki sa inyo pero unti unting nararamdaman ko na kayo ay minsang naging ama sa mga oras na ito"

"di ko na inisip na me anak ako, bago pa ako mabaog sa dinamita noon, ha hha buti na lang kahit papaano bago ako mamatay ay nakita ko ang anak ko"

"itay, isipin niyo na may anak kayong magtutuloy ng magandang adhikain"

"pupunta ba sina Victoria dito sa akin pati ang lolo at lola mo?"

"opo itay"

"Kadyo, tapos na oras , mam, tapos na po ang dalaw" wika ng pulis

"paalam tay, babalik kami sa susunod na dalaw, itay wag kayo mawalan ng pag asa maaring may tawag para sa inyo"

"sige anak mag ingat kayo lagi" bilin ni Kadyo

Dumalaw ang mag-ina ng sumunod na araw, pati na ang mga magulang ni Kadyo. Ang isang kapatid nito na si Boyang ay dumalaw rin. Masaya sila sa mga oras na iyon. May iyakan at kwentuhan, patawaran at kasiyahan. Lumipas ang mga araw. Makailang ulit ring dinadalaw ni Elma ang ama. Makikita na sa kanila ang pagiging tunay na ama at anak.

Biyernes, masarap na kumakain si Kadyo. Ahit na ang kaniyang buhok sa ulo, halos lahat ng mga putahe ay nasa kaniyang harapan. Makalipas nito ay nagsigarilyo siya ng imported at sumandal, nag-isip, at bumuntong hininga. Nangilid ang luha sa kaniyang mga mata. Pumasok sa silid na iyon si Padre Abellana makalipas ang kalahating oras at kinausap si Kadyo.

"handa ka na ba Kadyo?"
"handa na po ako Padre"
"nawa'y maunawaan mo ang ating batas, ang batas ay kinasihan ng Diyos, ikaw nagkamali di lang sa ating Diyons kundi maging sa ating batas"
"opo padre, inaamin kong nagkamali ako"
"papatawarin ka ng Diyos kung pagsisisihan mo ang iyong kasalanan, mapagsisisihan mo ba ito"
"matagal na po akong nagsisi Padre, handa na po ako sa oras na ito"
"alam ng lipunan ang buhay mo, maaring makaligtas ka pa sa isang tawag sa telepono bago ang oras na iyon"
"kahit ano po ang mangyari ay tatanggapin ku po, pagod na rin po ako sa mundo padre" wika ni Kadyo

Nagbasa ang pari ng bibliya sa Psalmo 23 ay sila ay nagdasal matapos na mabasa ito.

"padre ang anak kong si Elma makikita niya ba ako?"
"oo Kadyo makikita ka niya hanggang sa huli"

"ang anak ko, salamat at ako ay may anak, di ko man naranasan kumarga ng bata at magpalaki ng anak ay naging masaya ako, sana matanggap ako sa itaas , o kung saan man kung saan Niya gusto tatanggapin ko"

"manalig ka lang Kadyo, tanggapin mo siya sa iyong kalooban"
"opo padre, tinatanggap ku po ang Panginoon kong tagapagligtas"
At lumapit si Kadyo sa pari at may ibinulong

Alas 2:45 ng hapon akay akay si Kadyo ng dalawang malalaking pulis. Pumasok sa isang silid at sa isang sulok noon ay may upuang bakal. Pinaupo si Kadyo roon at kinandaduhan. Napatingin si Kadyo sa isang salamin at kaniyang nakikita ang kaniyang sarili, alam niyang sa likod nito ay nakatingin sa kaniya ang kaniyang anak. Lumuha si Kadyo, kumindat sa salamin at ngumiti. Sinakluban ang ulo at tinakpan na ang kaniyang mga mata.

"Diyos ko, sana di ako masyadong masaktan, Panginoon kunin niyo ako, inaalay ku na ang aking kaluluwa, patawarin niyo po ako sa aking mga kasalanan, patawad sa mga naulila ng aking napatay" bulong ni Kadyo sa sarili

Pumatak ang alas tres ng hapon, walang tawag sa telepono upang makaligtas si Kadyo sa tiyak na kamatayan. Ibinaba na ng berdugo ang "switch" ni kamatayan.

Umangat ang tiyan ni Kadyo, bumula ang bibig at sumirit ang masagang dugo sa piring ng kaniyang mga mata. Makalipas ang 2 minuto ay lupaypay na wala ng buhay si Kadyo.

Sa labas ay makikita si Elma kasama si Victoria na ina nito. Hindi sila kasama upang tingnan ang huling sandali ni Kadyo. Tinawag ni Padre Abellanana si Elma.

"tanggap mo na ba iha?" wika ng pari
"opo padre, tanggap ku na po" maluha luhang wika ng dalaga
"may binilin siya sa akin bago siya mamatay"
"ano po iyon padre?"
"hiling niya na wag munang ikwento sa peryodiko ang kaniyang buhay at wag ipagkalat na siya ang iyong ama upang makabuti sa iyong career"
Yumuko si Elma at napaiyak at nasabing" paano ku po gagawin iyon e siya naman po ang aking ama"
"e iyon ang kaniyang hiling susuwayin mu ba?" tanong ng padre

"minsan lang siyang naging ama, di kami nagsama, di niya ako pinalaki, ni hindi ko naranasan ang palo, sa buhay ng tao ang isang anak ay makailang beses na sumusuway sa magulang, kung kaya't napapalo ito, sa pagkakataong ito, kahit wala na siya ay susuway ako sa kaniya bilang anak, isang beses lang ito at di na mauulit kailanman, papaluin na lang ako ni itay ng isang ngiti sa kabilang buhay, patawad itay, pero hindi ko matitiis na hindi ko sabihin sa tao na kayo ang aking tunay na ama, minsan lang tayong nagsama, ipagmamalaki ko na ako ay minsan ding naging isang anak at hindi ko ikahihiya ito habang ako'y nabubuhay"

"Pagpalain ka nawa ng Diyos sa desisyon mo iha, tara na at maghanda, para sa kaniyang libing bukas ng umaga" wika ng pari

Lumabas ang lahat sa gusaling iyon. Sinalubong sina Elma ng sangkatutak na media ang tumambad sa kanilang harapan, kislapan ang mga kamera sa paligid, isang prodyuser sa pelikula ang sa kaniya'y lumapit. Kinabukasan laman ng lahat ng peryodiko ang pagkamatay ni Felipe Siganon alias "Kadyo". Isa sa mga peryodikong ito ang mabili dahil sa haba ng panulat patungkol sa buhay ni Kadyo mula sa panulat ni Elma S. Siganon.


WAKAS
posted by Mannydgreat at 11:04 AM

0 Comments:

Mag-post ng isang Komento

<< Home